close
IMG_4628

Nag check-in ako sa Dusit Thani sa Makati dahil hindi ako makatapos ng trabaho sa bahay. Mother’s Day ngayon at piesta sa may amin, pero mas pinili kong mag-isa. May hinahabol akong trabaho na kailangang tapusin.

Walang bakasyon kapag Consultant ka.

Smoking room ang kinuha ko. Mas mabilis at mas tutok akong magtrabaho kapag may nakapasak na sigarilyo sa bibig ko. May sindi – tuloy tuloy.

Bakit nga naman sa lahat ng kwartong maibibigay sa ‘kin ay ung sa North Side pa? Sa 7th floor na kita ang bukana ng puertang papasok sa Ayala Center. Pag tumingin ka sa ibaba, makikita mo ang Park Square 1, katabi sa kabisera ay ang SM Makati. Sa kaliwa mo naman ay ang katapusan ng Pasay Road (Arnaiz Avenue).

Alas dose na ng madaling araw. Natutulog na ang karamihan ng buildings, pero bukas ang dalawang natatanaw na convenience stores. May Family Mart sa kanan. Mini-Stop naman sa kaliwa.

Pamilyar ang lugar na ito. Mali. Hindi lang pamilyar. Dati kong tahanan ang mga kalsadang ito. Doon sa kung saan nagtatagpo ang kalsada ng Dusit Thani at Pasay Road ay kung saan ako unang nagtrabaho.

Sa Kenny Rogers Park Square.

Dun ang una kong trabaho. 1995 hanggang 1996. Service Crew. Twenty-three pesos per hour pa lang ang minimum noon. Malaking bagay na rin sa isang tambay na katulad ko. Tigil sa pag-aaral, walang sentro ang buhay.

Mula sa loob ng malamig at well-lighted na hotel room, tinanaw ko ang ngayo’y Mercury Drug na. Noong 90s, isa ang Park Square sa mga pinaka-mataong lugar sa Ayala. Dito dumadaan ang karamihan ng mga nagko-commute papunta at palabas ng Ayala. Mayaman, mahirap, middle class, estudyante, empleyado, trabahador.

Kaya naman “peak store” and Kenny Roger’s Roasters Park Square noon. Hitik ng tao, kahit ordinaryong araw. Paspas kami dito, paspas doon. Tuhog ng manok, halo ng coleslaw, hugas ng pinggan, lampaso ng sahig.

Pudpod ang sapatos, basa ang medyas, nagninisnis ang itim na pantalong unipormeng animo’y para lamang sa bangkay dahil walang bulsa. Amoy Knorr Chicken Cubes ang damit kahit matapos labhan, pero tuloy pa rin ang kayod.

Dito ko naranasang mapagmura ng kostumer. Hagisan ng mainit na kape at batuhin ng pinggang puno ng manok.

Dito ako natutong magtimpi at tumahimik. Mas mahalaga ang trabaho, kesa sa sitwasyon.

Bukas ay wala na ang kustomer. Bukas, narito pa rin ako.

Lahat ay ipinaranas sa akin. Pero OK lang. Ito na ata ang mga pinakamasayang araw ng buhay ko. Dito ako unang nakaranas ng sweldo, ng masarap na pagod, ng walang humpay na kasipagan.

Kapag closing ka naman, ay hintayan kayo sa kabilang bangketa. Sa may puno sa kanto ng Pasay Road at ng Theater Drive. Nakaupo kami sa banketa. Kwentuhan tungkol sa buhay.

Mga dalaga’t binatang kay aga nang nagsimulang kumayod. Walang nararamdamang pagod. Sige lang ng sige.

Minsan ay kasama mo ang Managers n’yo. Kasama sa yosihan, kasama sa inuman. Feeling mo, importante ka na.

Dito ako unang natutong mag-let go. Mantakin mo naman, kada dalawang linggo’y may isa o dalawang magpapa-alam. Last day dahil “endo na.”

At gaya ng nakagawian, hindi maaring makaalis ang nag-e-endo ng hindi nabubuhusan ng tubig. Tradisyon daw. Tubig na mainit, malamig, may arnibal, iced tea, pati pinaghugasan ng pinggan o pinagbabaran ng manok.

Walang napipikon. Tawanan lang kaming lahat. Palakpakan pagkatapos. Ang biktima, tatapusin ang tawa sa isang tahimik na ngiti. Wari mo’y nabinyagan na sa wakas. Handa na ulit humarap sa panibagong trabaho. Panibagong mundo.

Kay sarap ng buhay.

Naka-anim na buwan din ako dito. Pwede pa raw akong mag-extend kung gusto ko, pero mas pinili ko nang mag-let go. Sa sandaling panahon ay kay ‘rami ko nang nais gawin. Tinatawag na ako muli ng mga libro at pagtuturo; ng pelikula at teatro; ng pagbasa at pagsusulat. Matapos ang anim na buwan, ay handa na muli akong harapin ang sarili ko.

Pero hindi ako nag-let go sa mga nakilalang kaibigan. Ang iba sa kanila ay nanatili pa rin sa aking radar. Naging matalik na kaibigan ko pa ang isa.

Hanggang ngayon.

Ngayon ay 2018 na. Mahigit dalawang dekada na ang nakaraan pero habang sinisipat ko ang kahabaan ng Theater Drive at Pasay Road mula sa aking kwarto ay nakikita ko pa rin ang aking nakababatang sarili.

Magiliw, bakla, maingay, may ambisyon.

Nakikita ko ang sarili ko noong ako’y 18 years old pa. Naka-unipormeng stripes, itim na pantalon at cap.

Sa mga sumunod na taon ay nagkaroon ng iba’t ibang kahulugan ang Makati sa akin. Ngunit ang hindi nagbabago ay ang mga panimulang ugat ng aking pagiging tao; ng aking mga pagsisimula at pagkabuo. Naging mahirap man ang unang trabaho’y tinuruan naman ako nitong maging matapang sa haharaping buhay.

‘Ni sa hinagap ay hindi ko naisip, noong 1996, na makakapasok at makakatulog ako sa Dusit Thani. Hotel Nikko Manila pa ang tawag dito noon. Para sa amin noon, ang hotel na ito ay isang palasyong sa panaginip lang namin mabibili.

Hindi rin pala.

Ang hindi namin alam, unti-unti kaming hinuhubog ng mga pagkakataon na upang ihanda ang mga sarili namin, upang maabot ang mga bagay na sadyang kay layo noon.

Salamat sa kay gandang paglalakbay at sa kay lalim na pagkatuto.

Isang pagtagay sa panibagong pagsilang!

Orly S. Agawin

The author Orly S. Agawin

Orly has been writing for The Jellicle Blog since 2008. He is a training and development consultant by day and an art enthusiast by night. He lives in Parañaque with his mom.

Leave a Response


Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426

Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426