close
TAONG TALANGKA  KRISBELLE

Matapos ang panayam ko kina Denisa Reyes, Ronelson Yadao at JM Cordero para sa podcasts ko ng NEO FILIPINO 2015, hindi ko maubos maisip na magpasahanggang ngayon pala’y payak pa rin ang kaalaman ko sa mundo ng teatro at sayaw. Minsan nga’y napaisip na akong mamahinga muna sa pagsusulat, pamumuri at pamumuna. Aba’y may ibang dimensyon pala ng kritisismo sa ganitong klaseng mga arte!

Ngunit sa kabilang banda’y kailangan pa rin magsalita at maghayag. Para sa isang disiplinang madalang mapansin, nararapat lamang na ikwento ang mga nabuhay na kamalayan at ibahagi ang bagong natutunan. Hayaan na lamang na sa mumunti kong nalalaman tungkol sa sining ng pagsayaw at paglikha nito, ay maibahagi ko sa inyo ang aking mga reaksyon, interpretasyon at damdamin matapos ang aking unang NEO FILIPINO.

Neo Filipino 2015

Ang NEO FILIPINO 2015 – REBOOT ay isang konsyertong ipinagdiriwang ang kahusayan at galing ng ating mga sariling manlilikha ng sayaw (choreographers). Ito ay isang pagpaparangal, hindi lamang sa mga kinikilala na nating mga artista at mga mananayaw, kundi pati na rin sa sining at disiplina ng koreograpiya. Sa ilalim ng direksyon ni Reyes, ang NEO FILIPINO 2015 – REBOOT ay naging isang pagbabalik-tanaw sa mga klasikong likhang-sayaw na umimpluwensiya  sa mga kinaginasnang mga lokal na contemporary dances.

Una na dito ang TAONG TALANGKA (1993) ni Agnes Locsin. Isa neo-etnikong representasyon ng mga galaw ng talangaka gamit ang masilakbong, manikong, at walang tigil na mga galaw. Sa kanyang kabuua’y ang Taong Talangka ang naging metapora ng di-mapigil na kaswapangan, inggit at pagkagahaman — daang patungo sa sariling katapusan.

NEO FILIPINO 2015

Ang SALA SA INIT, SALA SA LAMIG (2005) ni Max Luna III ay isang naratibong tumatalakay ng ating mga kwento sa pag-ibig, pasakit, pag-iisa, at ng muling pagkabuo. Sa musika nina Cesar Frank at Claude Debussy, nakita ko ang mahikang dala ng laya sa mundong kanya-kanya. Talon dito, talon doon. Yakap dito, yakap doon. Hiwalay dito, hiwalay doon. Away-away. Yakap-yakap. Dito, pinagpatunay  ni Luna na ang pag-ibig ay higit pa sa kinagisnang ligaya’t tamis. Nabubuo ito at yumayabong, hindi lamang dahil sa saya, kundi dahil din sa mga pasakit at muhi.

NEO FILIPINO 2015

Sa PAMATDAN ni Dwight Rodrigrazo (2008) magiliw na pagmamasdan ang mga babaeng magsasaka sa mga tubuhan ng Negros. Magandang usisain ang mga karakter ng mga inang bulag sa pagod at init at pawis at ngalay maitawid lamang ang mga kinaiingatang mga ani ng tubo.

NEO FILIPINO 2015

Hango sa ROCK SUPREMO (2013) ni Paul Alexander Morales, muling ibinalik sa entablo ang masyamong kwento ng pag-iibigan ng Supremo at ng kanyang Lakambini sa LAKAMBINI. Nakatutuwang makita muli si Ronalson Yadao sa entablado ng Aurelio Tolentino, na siyang orihinal na gumaganap bilang Supremo. Dito, mariing naipakita ni Morales sa mga kilos at galaw ni Yadao ang pinaghalong pagmamahal ng Supremo sa kanyang Lakambini at sa kanyang bayan. Isang hamon na maingat na binuo at matagumpay na naipakita ni Yadao.

NEO FILIPINO 2015

Kumuha si Locsin ng insipirasyon mula sa mga likha ng ating Pambansang Alagad ng Sining para sa Visual Arts na si ANG KIUKOK para kanyang SAYAW LikhANG KIUKOK (2003). Dito, binigyang kahulugan ni Locsin ang mga likha ni Kiukok na Solo Figure, Pieta, Lovers, Fighting Figures at Crucifixion. Mahusay na nabigyang kwento ang mga likha gamit ang naratibo ng ating paglalakbay bilang Tao.

NEO FILIPINO

Ang ASONG ULOL, atbp. (1991) ni Reyes, ay isang diskurso na tumatalakay ng ating mga kamangmangan, kahunghangan, at katalipandasan dala ng urbanisyon at komersyalismo. Sa pangunguna nina Mailes Kanapi at Mae Paner, kasama ang Tanghalang Pilipino, naipakitang muli ni Reyes ang ating makabagong mga gawi, kahinaan at katapusan. Sinakop din nito ang iba’t ibang aspeto ng lipunan, mula sa trianggulo ni Marx (Amo-Aso-Alalay), bulag na panatisimo (Elvis Presley), uhaw na kalibugan (“may kondom ka ba?” “wala!” “awuuuuuu!”)  hanggang sa di parin natatapos na kamangmangan ng Pilipinong Botante sa panahon ng kampanya at eleksyon. Sa kanyang kabuan ay nakita ko ang sarili ko bilang isang Asong panghingal-hingal, labas-dila, sunod-sunuran. Sa ASONG ULOL, atbp., naipakita ni Reyes — gamit ang bulgar na pununya at prankang sarkatiko — na magpasahanggang ngayon ay marami pa tayong kailangang baguhin. Sa pagpapakita sa atin ng ating mga kahinaan at pagkabulag, doon lamang natin masisimulan ang pag-iisip at tuluyang pagbabago.

Binigyang buod ni Myra Beltran ang kanyang sariling interpretasyon ng kasaysayan (history) sa kanyang ITIM ASU (2009). Dito, masusing idiniskurso ni Beltran ang kakulangan ng kredibilidad ng ating mga librong pangkasaysayan dala ng pulitika, sistema at mito. Para kay Beltan, ang ating mga kasaysayan, ngayon, ay mga malalabong pagtanaw na lamang sa mga nais balikan. Sa ITIM ASU, nagbabalik tanaw si Beltran upang bigyan ng pagkakataon ang mga ikinubling mga kasaysayan gamit ang katawan, kilos, galaw.

CHRISTINE CRAME (4) BEAT 1Ang BEAT (2013) ni Christine Crame ay isang malakas, maindayog at aktibong piyesa ng galaw, koordinasyon at kulay. Nararapat lamang banggitin na ang BEAT ay isa sa mga kinagiliwan kong numero. Gamit ang musika ng Cirque na binigyang kulay ng kostyum ng Barbie Dance Wear, napatatahimik ng BEAT ang mga manonood sa Aurelio Tolentino.

NEO FILIPINOBuhay punla-palay-bigas-magsasaka ang kwentong isinasalaysay ni Alvin Erasga Tolentino sa kanyang FIELD 1 (2003). Dito ay ipinapakita ang paulit-ulit na proseso ng pagsasaka, pagpupunla, pag-aani at pag-gigiling sa pamamagitan ng katawan at mga galaw. Kung sa PAMATDAN ay nakita natin ang kahalagan ng ating mga magsasaka, naiiba naman ang FIELD 1 sa mga dimensyong ipinakita nito. Dito ay pinapasok natin ang buhay bigas, ang buhay palay — isang diskursong madalas balewalain ngunit may nakatagong kahalagahan, pagkamangha at pasasalamat.

NEO FILIPINO

Ang FLIPPERS (2001) ni Alden Lugnasin ay isang, ma-eksperimento, ngunit naka-aaliw na piyesa.Malinaw na kahit sa mga limitasyong dala ng mga kakaibang sapatos, ay nabigyang-porma at koordinasyon pa rin ni Lugnasin ang piyesa. Gamit ang musika ni Berloiz, umindayog ang Aurelio Tolentino sa mga nananayaw na naka-flippers.

Sa paglabas ko ng tanghalang ay busog parehong diwa ko’t damdamin. NEOphyte man, ay natuto na ako sa mga nasaksihang kontemporaryong likha at mga sayaw. Kahit paano.

Salamat NEO FILIPINO sa edukasyong dala mo. Hanggang sa muli!

Salamat din kina  Erica Feliz Marquez-Jacinto at Erickson dela Cruz para sa mga larawan.

Tags : agnes locsinalden lugnasinalvin tolentinoCcpchristine cramedenisa reyesedna vida-froilanjean marc corderomax luna IIImyra beltranneo filipinoneo filipino 2015NEO FILIPINO 2015 Podcast Seriespaul alexander moralesronelsdon
Orly S. Agawin

The author Orly S. Agawin

Orly has been writing for The Jellicle Blog since 2008. He is a training and development consultant by day and an art enthusiast by night. He lives in Parañaque with his mom.

Leave a Response


Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426

Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426