close
Valediction sa Riles

Matutulog ako ngayong may pinaghalong inggit at panghihinayang. Pero mas higit dito, ako ay masaya. Sa iyong dibdib ay nayakap mo ang isa sa mga sana’y naibigay ko rin sa aking mga magulang noong minsa’y ako’y nabigyan ng pagkakataon. Ang Diploma ng Letran.

Alam kong may kanya-kanya tayong bigat ng pagpapahalaga sa kakapirasong (kapiraso nga ba?) papel na iyan. Iyan ang tanda ng iyong mga sariling pagtanda, paglaki, pagbabago, at pagiging (being). Hindi masusukat ng sino man ang kahalagahan ng  pinaghirapan mo at pinagdaanan. Maging ako man, ay hindi malubos ang pagmamalaki sa iyong mga nakamit.

Nitong nagdaang li-limang buwan ay nagkasama tayo sa ginaw at lilim ng Media Center. Nakatutuwang alalahanin na, sa minsang magulo’t maingay na mga corridors ng L-building, ay nakatagpo tayo ng tahimik at sarili nating mundo. Walang pa-daan-daan, walang kaingay-ingay. Sa li-limang buwan na iyon, ay nasarili natin ang bawat isa, at sa kaisahan ay nakilala natin ang kakaibang mga mundo ng Sining at Paglikha.

Aaminin kong noong una’y nag-atubili akong tanggapin ang hamon. Taga-Maynila ako’t may bagong negosyong kailangang pagtuunan ng pansin. Kabi-kabila ang mga kliyenteng hindi maaring hindi-an. Hindi rin biro ang magpa-balik balik ng Maynila. Gasolina’t bayad sa toll fee ang katapat. Di maiiwasan.

Pero sa una palang na patawag ay hindi na ako tinantanan ng mga bulong. Bulong na nagsabing kailangan kong balikan ang aking mga pinagmulan. Mga bulong na hindi nagpatahimik sa pag-papaalala sa akin na lubog na ako sa mga pinagkaka-utangan. Kailangan ko raw bumalik. Kailangan kong isabuhay ang aking layunin. Kailangan kong magbayad ng utang sa mga dati kong guro.

Marahil ay alam mo na, na ako’y dati na ring nagtuturo. Pero sa mga higit na nakatatanda sa iyo. Sa mundo ng mga propesyonal at mga katulad ko ring guro, ako ay nakabilad. Doon, ako ay nahahasa. Doon, ako ay nabubuhay.

Naroon din ako noong dumating ang tawag at hamon na makasama kayo.

Hindi ko mawari kung anong mahika ang meron ka. Sa bawat araw ng pinagtabi-tabing mga oras — kulang sa break, kulang sa tulog, kulang sa gasolina — ay naging langit pa rin para sa akin. Ang inyong mga tahimik na pagtango, pati na rin ang malalakas na pagsang-ayon, ay dumaig pa sa kabayarang ako sana ang magbibigay.

Hindi ko akalaing napakalaki ng matututunan ko sa iyo, at sa iyong mga kaklase. Sa bawat araw ng ating pagtitipo’y walang oras ang nasayang. Bawat minuto’y pinuno natin ng tawanan, ng pagkilala, at ng paglago. Alam ko, alam ko. Ang iba sa inyo’y minsan nang na-inis sa akin dahil hindi ako lumiban o nag-kansela ng tipanan. Intindihin na lamang na sa bawat pagluwas ko ng Maynila’y wala akong ibang nais kundi ang bumalik at maka-kwentuhan kayo muli.

Lakas n’yong maka-bata, e!

Ngayon ay tapos na ang li-limang buwan na iyon. Hindi man nagtiempong  umugat (ika nga ni Tinio), ay parang kay hirap nang mapaknit. Marahil ay dahil sa inyo’y naalala ko ang mga dati kong mga kaibigan sa riles, sa L-building, sa diyaryo, sa Letran. Siguro ay tahimik ninyong ibinalik sa akin ang mga sinayang kong panahon noon ako’y narito pa. Marahil ay dahil sa inyo, na-validate ko, na ang tagumpay ay hindi lumilisan sa mga buhay na nagtitiwala at nagsusumikap.

Kayo ang aking Arbol de Fuego!

Oo. Higit kayo sa akin, and I couldn’t ask for more.

Sa iyong pagyakap at pagtanggap, ako’y iyong pinalaya. Sa iyo ay nakita ko ang binuhay na pag-asa mula sa nakaraan na hindi ko na sana binalikan. Salamat sa mga taong nagtiwala, at pilit na tumawag sa akin para ikaw ay gabayan sa mga huli mong hakbang tungo sa inilawang entablado, suot ang makintab na toga at kwadradong sumbrero.

Salamat din, siempre sa inyo. Sa pagtitiwala at sa walang sawang pakikinig sa aking mga pambobola, pang-aasar, at pagbibiro. Mantakin mo? Tumagal ka?!

Bukas ay susuong ka sa tunay na mundo ng walang hanggang pakikibaka. Higit sa mga grades at takdang aralin, at tisis, at proyekto’y, sasabak ka sa iba’t-ibang suliraning, marahil ay ngayon mo lang makakaharap. Bawat araw ay may engkwentro, may challenge, may trapik. Lalayo ang mga ala-ala, ang mga kaklase, ang mga natutunan, ang mga nakaraan. Lálaki kayo at lilipad. Natural lang na sa bawat bagong pagyakap, ay may maiiwanang tinalukaran.

Pakatandaan lamang, anak, na sa iyong pagsulong ay sana’y hindi kayo tumigil lamang sa pag-gawa. Lumikha kayo at pagyabungin ang mga ito. Masasayang ang mga pinuhunang oras kung tuloy lang tayo sa pag-gawa. Iikot na walang kapararakan. Minsan, hindi masamang tumigil para mag-isip. Maglikha. Gumawa ng bago. Parang Trip to Quaipo lang ni Ricky Lee, yan. Kung nagawa na ng iba, bakit mo pa gagayahin? Gumawa ka ng sarili mong landas, ng mga sarili mong paraan. Yan ang huhubog sa’yo at magbibigay sa’yo ng pagkakakilanlan.

Pangalawa, huwag kalimutang bumalik at tumanaw sa mga kinauutangan. Pinagpatong-patong  na interes ang mga utang mo sa iyong mga magulang. Pero kagabi, sa kaligayahan at pagmamalaking ibinigay mo sa kanila’y pihadong nakabayad na kayo, kahit paano. Ngunit hindi dito nagtatapos ang pagbabayad. Hindi dahil may Diploma na’y makakapag-pumiglas ka na patungo sa sarili ninyong laya. Matagal ka nang malaya. Ngayon nga lang ay mas malawak na ang mundo para sa inyo. Gamitin ito para magbayad sa kanila na mga naniwala at gumabay at nagtiwala.

Sabi nga ni Anonymous (kung sino man siya), “Our children are our places that we will never see.” Kaya kung tutuusin, hindi kayo ang tumanggap ng mga Diploma kanina. Ang mga magulang ninyo ang siyang nagkamit ng karangalan. Mga sangay lamang kayo ng kanilang magic, ng kanilang galing at pagmamahal.  Kaya huwag mahiyang magpasalamat. You have no idea how priceless your appreciation will be. Yakapin ninyo. I-kiss ninyo. Kahit one time lang. Bayad na bayad na kayo sa mga pagkakautang ninyo. You are just their places, that they are never meant to experience. But still, the honor is still theirs.

‘E pa’no ka, ka’mo? Hintayin mong ikaw naman ang magkaroon ng mga sarili mong mga anak. Kalingain at pagkatiwalaan sila at hintaying sila naman ang umakyat sa mga sari-sarili nilang entablado at tagumpay. Doon, sa mga oras na iyon…..kayo na gumradwayt.

Gets? Ang nice, no?

Higit sa lahat, ang ikatlo — magbigay. Magsauli. Ibalik ang pagtanaw at magsilbi sa mga pinanggalingang ugat, at sa mga kinikilalang pinagmulan. Dahil dito lamang nabubuo ang sarili. To serve is to make good with oneself. Napatunayan ko na yan ngayong nagbalik ako sa mga riles ng Letran. Simulang nakapagtapos ako, mahigit isang dekada na ang nakalipas, ay walang ibang pinakamahalaga sa akin kundi ang kumita ng pera. Kinain ako ng sistema. Ilang taon din akong nadapa sa pag-atikha ng mga bagay na hindi ko naman kailangan. Sinukat ko ang aking pagiging sa dami ng mga nabili at laman ng bulsa. Pero ang hindi ko alam, ay ako pala’y kulang pa rin. Salat. Sa hindi ko pagsunod sa aking layon ay unti-unti na pala akong binabaldado ng aking pagka-makasarili.

Hanggang sa dumating ka, at nabigyan ng pagkakataong ika’y pagsilbihan bilang guro mo.

So, serve! Find your purpose, your prediliction, your passion. Pursue them as if there’s no tomorrow. Ibigay mo ang lahat, at kung maari’y huwag ka na munang magtira. Yakapin mo ang hilig at wag paalpasin ito.

Dahil isa ito sa pagsukat ang kahalagan ng ipinagmamalaking natapos.

Bukas, o sa makalawa’y magku-krus din ang ating mga landas. Sa SM Calamba, o sa MOA. Sa CCP o baka sa comedy bar. Sa Singapore, o baka sa New York! Huwag makakalimot. Dahil minsan, diyan ninyo malalaman ang siyang mga tunay na layon.

Hanggang sa muling pag-Arriba!

Ang titser (pa rin) dito,
Orly

2015-03-31 16.13.17-2
Tags : batch 2015calambaeducationgraduationletranlifescooprandom
Orly S. Agawin

The author Orly S. Agawin

Orly has been writing for The Jellicle Blog since 2008. He is a training and development consultant by day and an art enthusiast by night. He lives in Parañaque with his mom.

10 Comments

  1. *tears*….*more tears*…*hikbi*

    Hindi ko alam kung papaano ko ipapaliwanag ang nararamdaman ko sa ganitong uri ng pamamaalam. Masakit, malungkot pero higit sa lahat, masarap. Salamat, sir Orly sa limang makabuluhang buwan. Salamat sa pag tuturo ng mga bahay na hindi lamang patungkol sa Sining, kundi pag tuturo ng patungkol sa buhay. Habambuhay kong aalalahanin ang mga binitawan mong salita sa akin…”Once you go Mac, you never go back.”

    Biro lang! Hindi ko makakalimutan ang mga paalala mo sa akin na higit pa sa teknolohiya, libro ang makakapag dala sakin sa iba’t ibang lugar, basta’t marunong akong gumamit ng imahinasyon. Mahal namin kayo sir Orly, at ikaw at ikaw pa rin ang titser dito. Oh, yes! Ang nice ‘no? 🙂

    1. Oh, Chin! You have no idea how much I saw myself in you. Everytime you bring a book with you in class, I remember myself back in college. Yan ang ginagawa ko lagi noon. Nagdadala ako ng babasahing libro lalo na kapag alam kong boring ang titser at reporting lang ang gagawin namin. Those books flew me to different worlds during dead hours. And what a beauty it was.

      Just keep on reading. Kahit “keep off the grass” basahin mo. O ung, “beware of the dog” sa gate ng kapitbahay, karirin mo. Bigyan mo ng mga bagong meaning ang mga ito. OVERTHINK! OVERREAD! Sabihin man ng iba na mali ang sobrang pag-aanlalisa, dito tayo nagsisimulang maging kritikal.

      Pero wag ka lang sanang tumigil sa mga pagbasa mo. Sana, balang araw, ay manganak ka rin ng mga sarili mong literatura: mga kwento, tula, blog entries, ganyan. Diyan mo masusukat ang lawak ng iyong mga pagbasa; kapag ikaw ay nagsimula nang magbigay sa iba.

      Salamat sa iyo, Chin! Basta, ah? Kahit busy sa trabaho, o sa lovelife, dapat magbabasa ka pa rin, ah? Promise, ha?

  2. Grabe Sir Orly. Mas na-inspire, naiyak, natamaan ako dito kesa sa valedictory speech kanina.

    Unang tapak mo palang Sir sa class, sabe ko “ayy, ayaw ko dito sa prof. na to, mukhang masungit. mukhang palaging nagmamagaling Sinampal ako ng impressions ko sir. Ang sakit. Haha! Ibang iba ka, sir. Pero Hindi ko alam kung anong enerhiya o may pagkasademonyo kayo sir pero sobrang gaan ng pakiramdam ko, namin sayo sir. Sa ilang months lang ng pagsasama-sama natin, at hindi pa araw-araw yun ha, naging pamilya na turing agad namin sayo. Nakakatuwa sir kasi biniyayaan kami ng isang gurong katulad mo na nagpasaya, nagdagdag ng alaala sa amin bilang isang studyante. Thank you sir Orly sa lahat lahat. Sa good vibes. Sa mga kwento na tuwang tuwa talaga ako pag pag kinekwento mo na (nakanganga lang ako literal) kasi sobrang galing. THANK YOU SIR ORLY!!! 🙂

    1. Mukha nga raw akong suplado sa simula, Leo. Pero hindi ako suplado. Suplada ako.

      Suplada.

      Mabuti naman at nabawi ko ang initial impressions mo. May dahilan kung bakit ako naging bahagi ng klase ninyo. May mga dahilan din un para sa akin at sa aking sariling paglago. Salamat, salamat. Kayo ang mga naging unang anak ko.

      Hindi ko makakalimutan ang itsura mo sa tuwing nagki-kwento ako. Oo, nga-nga nga. Pero OK lang yan. Ako man ay napanga-nga n’yo rin. Hindi ko lang pinapakita minsan (kasi nga ako ang titser dito). But still, never hesitate to be in awe. Continue seeking for the awesome, the fantastic, the fabulous in everything you encounter. Dahil sa bawat pagkamangha at pag-nga-nga ay may mga bagong pagkatuto.

      Salamat, Leo. Continue being happy, positive and in awe! Welcome to a bigger classroom that is Life!

  3. isang napaka init at nakakagutom na araw.
    naisipan kong masarap ang mango graham shake at kwek-kwek sa isang bilihan sa kantina kung saan pag ikaw ay nagtagal ng higit pa sa limang minuto dadalhin mong kahit saan ang amoy ng sari-saring ulam na nakalatag doon.
    habang naghihintay ng aking inorder may isang matangkad na lalaki, naka shades, naka bag at kung titignan mo ay parang isang dayuhan.
    nakuha nito ang aking atensyon napapatitig sa estraktura nang kaniyang mukha ” tangina ang tangos naman ng ilong neto, ang kinis ng balat.. putaa sa labi male version angelian jolie” at sa aking pagkamangha sa likha ng diyos na nasa aking harapan parang naramdaman ng lalaking iyon na may dalawang mata na sa kaniyay nakatingin humigop ng eto ng shake at tumingn sa akin at ngumiti at kinuha nito ang dalawang waffle sa tindera at lumayas…
    “sino kaya yun? pero ang init init naka leather jacket. pang action movie”…

    isang araw pagpasok ko ng MC bumungad sa aking harapan ang isang pamiliar na mukha. muli ako’y napatitig at napaupo.

    hanggang sa pinakilala niya ang kaniyang sarili sinabe ang kaniyang patakaran at kung ano ano pang mga bagay na mapapala namin mula sa kaniya at sa subject na kaniyang ituturo.

    “MALDITA! hindi pwede umabsent unless naghihingalo ka na aba bruhilda”..

    dumaan pa ang ilang araw at siya nagsimula magkwento napakanatural magturo napaka natural nang talino at hindi mo kinakailangan bumili ng libro hindi mo na kailngan ng visual aid. dahil para sa akin para siyang si bob ong isang pasada pero tumatatak.

    akala ko wala nang pag asa magkaron ang abcom ng guro na mahusay matapos umalis ang magagaling na guro pero binigyang pag-asa netong pamilyar na mukha na ito ang buhay ng mga comm.

    ang taong mayaman.
    ang taong naglalakad na libro.
    ang taong mahilig sa waffle

    at siya padin ang titser dito
    sir orly agawin.

    ang nice noh?

    1. Hahahaha! Bigla naman akong naglaway sa Waffle, BIANCA. Yung cheese. Kasing cheesy ng comments natin. Tapos, tapos, kahit ubos na ung Waffle may mga natitira pang pancake sa likod ng mga front teeth mo. Ang weird lang. Tapos, unti-unti mong sisipsipin. Kahit sa tinga, nabubusog ka pa rin. Kahit tinga, nakaka-uhaw pa rin. SARAP. Give me more! Parang experience lang natin ang pagkain ng Waffle. Nakakabusog, cheesy, saka weird. Pero it lingers, and we will always remember. Kahit sa mga ala-ala, nabubusog pa rin tayo. Ang nice, talaga, no? Salamat sa pag-comment dito, BIANCA. Salamat din sa’yo. Oo, matangos ang ilong ko at matangkad ako. Pero, mukhang dayuhan? ‘E di, WOW! Hindi kaya masyado lang tayong nalalamigan sa MC kaya nagmumukha na tayong dayuhan? ***

      Yeah, isa ka na mga estudyanteng dumaan sa mga klase kong natutunan ang mottong, “just be in class. Even if all else fails, just still be in class.”
      Dahil ganyan ang buhay. Dapat andun ka lagi. Walang excuses. Kahit nagtatae ka na, o tumae ka na sa pantalon. Dapat andun ka pa rin. Dapat lagi kang nakikita, lagi kang inside the circle.
      Sa simula, OK lang na kahit tahimik ka, O kahit wala kang ginagawa. Being there is still as important of doing something. Kasi nagkakaroon ka pa rin ng pagkakataon to learn. Absorb lang ng absorb. Kain lang ng kain. Eventually, mabubusog ka at hindi mo mapipigilang ilabas kung anu man ang nasa sa loob mo.
      Ngayong mag-wo-work ka na. Malalaman mo na hindi ganung kadaling mag-absent. Bawat araw na lilibanan mo, kaltas sa sweldo, huli sa gawa. Kaya lagi mong iisipin bago ka mag-absent, “am I dead, or am I dying?” Kung hindi naman, aba’y maligo ka na. You have no excuse. #AngHarshLang
      Thank you din for saying that I’m good. But I’m sure there are more effective teachers in Comm than I am. Hindi ko pa masasabing mahusay ako dahil nagsisimula pa lang ako sa school ninyo. Meron tayong mga teachers who have stayed through the years. It’s much tougher, and yet they have endured. Nasusukat ang galing doon. Mas hangga ako sa kanila.
      Just keep on keeping on. Kagat lang ng kagat muna. Waffles man, o buhay. Wag matakot. What matters most is that you get full with things you want and passionate about. Kahit cheesy, go lang ng go!
      Stay happy, BIANCA!

  4. It has always been a struggle for me to find beauty …pero sir, kayo nagturo sakin kung pano ma-appreciate ang buhay at gayon din, tinuro nyo na ang buhay ay umaapaw ng kagandahan at ito’y nakikita di lamang sa malalalaking bagay gayon din sa maliliit.
    Isa ako sa mga tahimik na humahanga sa inyo, sa inyong galing at talino, sa kakayahan nyong abutin kami gamit lamang ang pagiging ikaw. Totoong tao, walang pagkukunwa. Sa 5months po na yon, sobrang dami kong natutunan! Maniwala man kayo o sa hindi, mas minahal ko ang sarili ko ganoon din ang mga kaya kong gawin gamit ang salita, papel at ballpen nang dahil sa inyo. Isa kayo sa mga propesor na tatatak namang talaga sa puso ko at alam ko sa aming lahat. Cheesy aba haha
    So sir sobrang maraming salamat po. One of the things I learned from you sir, na alam kong magagamit ko sa pagtatrabaho ko is yung gawin ko pa rin yung best ko tho alam ko sa sarili ko na unang makikita nila ay ang resulta at hindi ang pagod ko. Isa lang yan sir, napakadami pa! You have the ability to move hearts, change people for the better in so many ways! Salamat ng marami sir. YOU WILL CONTINUE TO INSPIRE ME, ALWAYS!

    1. O, the beautiful Milex! Tawa ako ng tawa kahapon sa graduation when I saw your tarpaulin sa C building. Kaisa-isa. Parang mole in the water. A pebble in my shoe. Nakakainis! Ikaw na! Alam mo bang nag-text blast ako sa mga kaklase mo during the program kasi hindi ako mapakali? “Bakit may tarp si Milex?! Bakit si Milex lang?! AT BAKIT UNG KANYA LANG ANG NASA BUILDING?!” Buti na lang sumagot si Dada. Galing daw un sa mga kasamahan mo sa Bookstore. Awwww. And so I rested my case. So you see? There’s always beauty in things. Kahit dun tarp na hindi nagpatahimik sa akin kahapon. Dun sa tarp mo, nalaman ko, that it was a beautiful tribute to a friend and former co-SA.
      Salamat sa iyong comment, Milex. Ako rin ay humahanga sa inyo. Sa inyong outputs, at mga PhilArts Forums. Ang gagaling! What you did was more than I expected. Your batch is a tough act to follow.
      Basta kapag may pagkakataon, ituloy mo ang pag-likha, ha? Diyan tayo nahahasa. Sa practice. Kahit pangit ang lumabas, may beauty pa rin doon. Totoo! You’ve started to see beauty in things, you’ve already made a leap. Just keep on doing what you you’re good at.
      Yes, always BEGIN WITH THE END IN MIND. Sa bawat gagawin mo, lagi mo nang isipin kung anu ang magiging resulta. Kung anung magiging katapusan. Ang pag-isip ng kahihinatnan ang siyang magbibigay sayo ng mga susunod na hakbang. Bibigyan ka rin niya ng passion to push forward. At tama ka, hindi na mahalaga ang pagod, ang hirap. Basta ang mahalaga ang RESULTA.
      And your achievements that were commenced last night is a RESULT of four years of hardwork. Hard, pero matamis ang RESULTS. And that makes all the difference.
      Fly high, Milex!

  5. Speechless. Emotional. Stupefied. Stunned.

    I can’t really think of any other word to describe my reaction and thoughs while reading this. I’ve never bothered read a teacher’s blog before, let alone a teacher I’ve only had for five months… But I gotta say, that five months of goin to classes up on the topmost floor, the floor that I internally curse for being so high up, was the best morning to afternoon class that I have had.

    Normally, I wouldn’t be excited to go to a class that has a long time period(3 hours! And on the 4th floor!), but after the first meeting, my mind rewired itself, 10:30 on tuesday became the time I wouldn’t want to miss. Opening the media center? Why not? I wasn’t bored, I wasn’t sleepy, I was enjoying the class, the work and the discussions.

    Sir Orly, you’re the only morning professor I had where I was participating in the discussions. Sobrang nageenjoy ako sa mga klase natin, sa mga nalalaman ko tungkol sa philippine arts and creative writing, bonus pa na literature talaga nag hilig ko. My classmates are witnesses to how I would just sit in other classes and scribble fiction on my notebooks. Although minsan, pag talagang may inspiration na nadating, nagagawa ko din sa klase nyo… Pero sir, iba talaga yung style nyo. We were having fun, we were learning, we were immersing ourselves fully into the world of the arts.

    Thank you sir, thank you for the chance to be your student. Thank you for whoever or whatever brought you back to Letran, we were lucky enough that you returned just in time to teach us very valuable lessons, lessons I know will stay with me for however long my memory permits it.

    Ikaw na! Ikaw na talaga ang titser dito! Haha I totally get what you mean sir 🙂

    1. Ay si NIKKI! Thank you for visiting the site. I wrote it for the graduating class. At isa ka doon. Now that you’ve read it, I hope that you were able to pick a thing or two as you move forward. That’s the least I can give to you.

      I agree that running up the Media Center every Monday and Tuesday is challenge. Hindi biro ang umakyat ng ganung kataas. Parang Kamay ni Hesus lang. Ako man, iniisip ko pa lang ngayon ung taas ng Media Center, napapagod na ako. But its always a surprise why I never complained. Kasi alam ko, when I get there, nandun kayo. And, boy, we’re going to have fun! Ganyan din ang buhay. Nakakapagod siya at some point. Parang wala nang katapusan ang stress. And steps to wherever you want to go to, seems to be unforgiving and endless. Pero diba, ang lagi kong pinapaalala sa inyo, that we should focus not on the pains, but on the results? That is the greatest push that will push us forward.

      Thank you for considering my classes the best the you had had. Ako rin. I have my share of memorable classes back in College. Sa UP, sa Letran, sa PNU. Whenever I have the chance, I go back and ask my favorite teachers if I can sit in, kahit isang oras lang. Makikinig lang ako sa loob. Kahit alam ko na ang lesson (dahil itinuturo ko na rin naman un), it’s still wonderful to be fed, once in a while. Kaya naman when you did your batch initiated the PhilArts Forums last Feb, I can’t help but feel proud of you. Kasi, ako na ang pinauupo ninyo. Kayo na talaga ang nagtuturo. Hindi lang sa mga guests, kundi pati sa akin. Yan ang transformation.

      Alam mo, NIKKI, naiintindihan kita. Noong college ako, mahilig na akong magbasa. Minsan, hindi pa natuturo ng teacher, nabasa ko na at napag-aralan. Kaya medyo yumabang ako. Kapag alam ko na ang lesson, na-iinip ako sa klase. Hindi ako nakikinig. Kaya nagka-cutting classes ako. Napunta ako ng library at nagbabasa na lang dun. Hanggang sa dun ako napahilig. Ang mag-cutting. Kaya naman bagsak ako pagkatapos ng sem.

      I eventually realized that I have to embrace the rules, in one way or the other. Ganun talaga. There’s no other way around it. To break the rules, you have to embrace them muna as you begin. Kasi, kung hindi, ikaw rin ang matatalo. Ikaw rin ang mawawala.

      Salamat din sa magandang feedback. I do my best, lang. Passion, ba? Dapat passionate sa lahat ng ginagawa. Hindi lang sa sex. Pati sa trabaho. Sa pagbabasa. Pagdo-drowing. Ganyan. Kahit naghihintay ng jeep, dapat passionate pa rin. Yan ang secret ko. Sana maging secret mo rin.

Leave a Response


Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426

Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426