close
no thumb
Norte, Hangganan ng Kasaysayan (2013)

Matapos ang higit apat na oras na pagupo sa sinehan, hindi nakatulog si Nanay. Dilat na naka-abang sa mga susunod na mangyayari. Tahimik, hindi gumagalaw, salamat na kung minsa’y bumubunton-hininga, dahil inakala ko’y baka na-stroke na sa tagal ng pelikula.

Ngunit ang higit na ikinagulat ko’y sa paglabas namin ng Glorietta 4, ay siya ang unang nagtanong kung ano raw ang mga bagay na naintindihan ko sa NORTE, HANGGANAN NG KASAYSAYAN (2013) ni Lav Diaz. Ngayon lang siya nakapanood ng ganitong klaseng Obra. Kadalasan, kasi, ay sapat na sa kanya ang kilig na nakukuha kina John Lloyd at Daniel, at kung minsan naman ang madalas nahuhulog sa biglaang himbing sa lakas ng aircon sa MOA.

Hindi ako nakasagot agad. Hindi ako handa sa diskusyon, lalo pa’t siya ang kasama ko. Pero sinimulan niya ako ng mga puntong ‘ni sa hinagap ay hindi ko inakalang narurok niya. Usapang pamilya, politikal, ekonomiya at kasaysayan ng isang bansang unti unting nilulugmok ng kanyang sariling Tao.

Sinipat din niya ang kahalagahan ng edukasyon, pati na rin ang naka-ambang trahedya ng talino.

Bigla akong nagutom. Parang ang bobo-bobo ko.

“Kaya ikaw, wag mong masyadong isabuhay lahat ng binabasa mo,” sabi ni Nanay sa akin habang nag-a-ice cream kami. “Hindi lahat, ng bagay ay kelangan may meaning.”

“Wow, ah? Ang profound mo, ‘Nay!”

“Hindi ka sasaya, katulad ni Fabian (Sid Lucero),” dugtong ng lola n’yo. “Kasama sa dunong ang pagpili ng kung anung mga isasabuhay.”

Sa tingin ko ay yan ang mahika ni Diaz sa kanyang mga pelikula. Hindi nagiging sagabal ang haba ng kanyang mga prusisyon sa mga nais niyang puntuhin. Maging ang Nanay ko, ay nahulog sa kapangyarihan ng kanyang kamera, istorya, kulay at emosyon.

Habang nagmamaneho ako pauwi ay tuloy pa rin ang Senior Citizen na katabi ko sa kanyang mga pagtalakay ng mga tauhang mahigit apat na oras niyang nakasama sa pelikula. Inisip ko tuloy kung isasama ko siya sa Cinemalaya sa isang buwan.

Baka lalong maipamukha sa akin na anak lang, talaga, ako.

“Fan na ako ni Sid Lucero,” bulong ni Nanay sa sarili.

Tags : filmfilm reviewsfilmslav diaznorte hangganan ng kasaysayanreviewsid lucero
Orly S. Agawin

The author Orly S. Agawin

Orly has been writing for The Jellicle Blog since 2008. He is a training and development consultant by day and an art enthusiast by night. He lives in Parañaque with his mom.

Leave a Response


Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426

Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426