close
no thumb
You only live once...might as well.
You only live once…might as well.

Kanina ay inilibing na si Russel.

Nandun halos ang lahat.

Sinariwa ang mga kwento.

Ibinalik ang mga tawa.

Bumaha ng luha.

At iniuwi ko ay ang pananaghoy ng Ina.

***

Gabi na ako nang makauwi. Sa pagod ay pinilit kong makatulog agad. Alas siete, nakapikit na ako. Pero alas-nuebe y medya, dumilat akong parang binabangungot, kumakabog ang dibdib. Para akong ginising ng Kunsensya na meron pala ako. Para akong inikot ng mga guni-guning hindi ko mahawakan, hindi ko masipat.

Kanina, sa gitna ng buhos ng mga iyak, ay nanatiling tuyo ang mga mata ko. Hindi ako maiyak. Kaibigan ko si Russel, pero hindi tulad ng ibang mga naroon. Mas kilala nila ang kaibigang nasa puting kahon. Maaring huli na ako sa biyaheng barkada noon. Naiintindihan ko sila. Ito na ang kanilang huling sulyap, ang huling tagpo, kasama si Russel.

Sa mga mambabasa: pagpasensyahan ang kawalan ng organisasyon. Kelangan ko lang magsulat. Kahit ano. Kahit basta lang. Kailangan kong lang ilabas.

Kailangan kong umiyak.

***

Sa daan patungong hukay ay narinig ko ang mga kwento kay Russel. Naki-kwento na rin ako.

Naisip namin ni Romi: kaya ba nabubuo ang tao ay dahil sa mga taong minsang pumaligid sa kanya? sa mga kwento? Magkakaroon ba ng Russel kung wala ang mga istorya ng tawa, lungkot at katapusan?

Marahil kaya tayo nagpupunta sa mga ganitong huling tagpo’y kailangan nating buuin ang ang mga “naging,” gamit ang ating mga kwento. Kailangan nating konektahin ang mga nakaraan, hindi upang sariwain ang sakit, kundi dahil nais nating patunayan na siya ay nabuhay. Masayang balikan. Nakapag-papagaan. Nakapagpapangiti.

Nagising ako na ibinubulong sa akin ang mga kwentong narinig ko kanina.

Naalala ko na naman ang mga kwentong masaya, malungkot at mabigat. Mga kwentong magpapatunay na may “naging.”

Kung ako na kaya ang nasa puting kahon, may mga iba rin bang magpapatunay na ako ay “naging?”

Ngayong gabi, bigla na naman akong nangulila sa kaibigan kong si Russel.

Ito ba ang “unbearable lightness of being” na sinasabi ni Kundera?

***

Russel,

Ang sakit palang marinig na isinisigaw ng iyong Ina ang iyong pangalan;  pangalan na kanyang binuo para sa’yo. Pangalan na minsa’y nagbigay sa kanya ng di matawarang saya at pag-asang mabubuhay ka ng higit sa kanya. Ang iyong pangalan ay parang awit – tuloy tuloy, pagkatamis tamis, animo’y magpakailanman.

Pero kanina, nang isigaw niya ang pangalan mo ay parang tapos na ang lahat. Marahil ito ay awit pa rin, pero, hindi na tulad ng noon. Hindi niya dapat ito pagdaanan, pero ganun na nga.

Isinigaw niya ang mga tanong na hindi mo na kayang sagutin. Kahit kami, hindi rin naman kayang sagutin.

Hindi ako makatulog, kapatid. Dadalhin ko ang kanyang mga tanong hanggang sa maaalala kita. Minahal mo siya ng lubos, Russel. Sa kanyang mga luha’y napatunayan mo sa akin na mabuti kang anak,. At sa wari ko’y ibinubulong mo sa akin na maging mabuti rin sa sarili kong Ina.

Salamat, Ma’am. Guro ka talaga. Hanggang sa huli’y nagtuturo ka pa rin.

 

Tags : lifescooprandomrussel caraan
Orly S. Agawin

The author Orly S. Agawin

Orly has been writing for The Jellicle Blog since 2008. He is a training and development consultant by day and an art enthusiast by night. He lives in Parañaque with his mom.

Leave a Response


Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426

Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426