close
no thumb

 

Bagamat nakatodo ang aircon sa principal’s office, hindi mapupuknat ang pag gapang ng pawis sa ulo mo. Malamig, pero para kang sinisilaban. Mag sasampung minuto pa lang, pero parang tatlong oras ka nang nakaupo sa waiting area ng office ni Ma’am Buenventura, at tanging ang pagpitik ng malaking wall clock sa ibabaw ng school logo ang nagsisilbi mong kasama.

Ang tanging taong kasama mo sa waiting area ay ang School Secretary. Yuyuko siya sa sariling mesa. Mukhang may gagawing mas importante kesa sa’yo. Nakayuko na tipong nagdadasal. Malamang ay pinagdadasal ka. Sumulyap lang siya sa’yo kanina noong pumasok kayo, pero ngayong ikaw na lang, parang nasa ibang lugar siya. Malayong malayo sa’yo. Na-eenjoy niya ang lamig. Samalantang ikaw, iniihaw sa impierno.

Titingnan mo ang pinto ni Ma’am Buenaventura. Matutuyo ang lalamunan mo. Sa likod nito ay ang mga moments of truth. Ipapa-alala sa iyo ng bawat pitik ng segundo ng wall clock nina Ma’am ang oras na kinatatakutan mo.

Noong nakaraan Lunes ay nakarating kina Nanay na hindi ka pumapasok. Tuwing umaga, imbes jeep biyaheng pa-Maynila, ay bus patungong Mandaluyong ang hinahabol mo. Patungo dun sa Megamall, sa Shang-ri La, sa Manuela. Dun sa kung saan malamig, maraming tao, maraming nangyayari, maraming pangako. Doon, sa loob ng tatlong linggo, ay tahasan mong ipinagdiriwang ang bawat pelikulang nag-ga-Grand Opening. Forty pesos lang ang De Luxe, sixty naman kung sa Premiere. Sa otsentang baon mo, ang natitira mong biente pesos ang nagsisilbing pansalo sa gutom at pamasahe pauwi.

Masayang maglakad maghapon kapag ganoon ang takas; walang iniiisip na bukas, walang tinatiyagang alinlangan. Kahit wala kang kasama’y, parang sa’yong sa’yo pa rin ang mundo. Magaan. Mapresko. Exciting. Malayo sa mga nambu-bully na mga kaklase. Malayo sa Trigonometry at Chemistry.

Wala kayong telepono sa bahay. Hindi pa uso ang cellphone noon. Kaya walang paraan para makontak ka ng mga kaklase mo. Walang FB o Twitter na magkokonekta sa inyo ng mga tanong na kung nasaan ka, at bakit hindi ka napasok. Malaya ka.

Pagkatapos ng first screening, ay pipilitin mong maupo pa rin sa loob ng sinehan para ulitin ito. Marami pang oras. Hanggang mamaya ka pa. Uulitin mo ang pelikula kahit ng ilang ulit. Titiisin ang gutom, ma-murder lamang sina ala una, alas dos at alas, tres.

Kapag sa tingin mo’y saulado mo na ang bawat linya ng mga paborito mong eksena’y lalabas ka na sa liwanag ng mall. Sasalubungin mo ang mga taong ngayon lamang dumarating. Nakapila pa lang sila’y, nakailang ulit ka na. Masarap sa pakiramdam.

Iikot ka maghapon. “Patayin ang oras,” ang lagi mong sinasabi sa sarili mo. Alas siete pa dapat ang dating mo sa bahay, at alas tres pa lang.

Mula Megamall, tatahakin mo ang init ng kalsadang nag-uugnay patungong Shang-ri La. Doon, mas kakaunti ang tao. Mas malawak. Mataas. Mahahaba ang mga escalators. Suot ang naninilaw mong unipormeng pang-school, lalakad ka sa susunod mong stopover.

Pagdating sa Shang-ri La, ay lalakad ka uli. Iikutin ang pinakamataas na mall noon sa Maynila. Ikot dito, ikot doon. Ikot sa itaas, ikot sa ibaba.

Sa natitira mong biente pesos ay bibili ka ng malaking Nagaraya sa supermarket ng Rustan’s. Sampung piso ang isang malaking Nagaraya. Sisiksik ang laman at sulit na sulit. Busog ka hanggang mag-alas sais.

Tubig sa drinking fountain ng Foodcourt ang tangi mong panulak. Wala ka nang choice. Ang sampung piso sa bulsa mo ang natitirang pag-asang makauwi ka sa Paranaque.

Matapos sumakit ang mga panga mo sa pagnguya, at maihi ka sa dami ng tubig at asin na pumasok sa’yo, itutuloy mo muli ang lakad. Aakyat ka sa mga escalators at magwi-window shopping ng walang humpay.

Sa mga window shopping sprees na ito ay tatahak ka sa mga pangarap ng buhay na wala ka. Mahal ang mga bilihin sa Shang-ri La. Iisipin mong balang araw ay magkakaroon ka rin ng mga ito. Maisusuot ang Levi’s jeans, at makakabili ng iba’t ibang kulay ng Giordano shirts. Tapos, low waist ka. Cool na cool.

Sa pag-ikot mo’y ikaw lang ang magiging mahalaga. Napakasaya ng ngayon. Ang tamis ng mga pangarap. Hindi mo iiisipin ang kinakayod na pera makapag-aral ka lang. Wala sa pag-iinda mo ang pagpapawis ng iyong Ina sa pagtuturo ng mga batang hindi pa marunong magbasa, at makisama sa mga magulang nito. Wala sa hinagap mo ang mga kalyo sa paa ng ama mong maghapon ding naglalakad tulad mo, ma-ipadala lang ang mga dokumento mula sa opisina patungo sa kabilang opisina. Para sa iyo, ang mahalaga ay ang lamig ng mall, ang tamis ng mga pangarap at ang ngayon.

Wala rin sa isip mo ang mga nakakaligtaan mong mga klase. Ang mga missed learning sessions, ang mga away nina Mylene at Teston, ang pang-aasar nina Luz at Cathy. Kung tutuusin, mas may pangako sa sarili ang ganitong mga adventures kesa doon.

Pag patak ng alas-sais, dadalhin ka ng mga paa mo sa Manuela. Doon ay mas mapapalapit ka sa sakayan ng mga bus pabalik ng South. Lakad uli. Papalubog na ang araw.

Sa pag-uwi mo, hihimasin mo ang iyong siko at bubulong ng, “jasmin.” Kulam daw ito para hindi ka pagalitan pag dating sa bahay.

Ngayon, nasa gitna ka uli ng lamig. Tulad ng Megamall, Shang-ri La at Manuela, kasing puti ng principal’s office ang mga dingding ng mga dati mong kastilyo. Pero kahit makailang “jasmin” ka, walang epek. Ito na ang oras ng katotohanan.

Titingin ka muli sa wall clock. Aba! Kinse minutos na! Parang apat na oras ka nang nakaupo sa malamig na bangko nina Ma’am, at pinapawisan pa rin ng walang humpay.

Naiisip mo ngayon ang itsura ng nanay mo sa loob ni Ma’am Buenavanetura. Nakasimangot, marahil. Nakatungo. Kinakamot ang likod ng kamay. Umiiyak o humihikbi?

Matapos ang biente minutos, ay bubukas ang pinto. Hindi mo malalaman kung ano ang dapat maramdaman. Saya? Kaba? Takot? Namamalo ang Nanay mo. Namamahiya. Pati ang mga sermon nito ay umaabot hanggang kapitbahay.

Paglabas ay sabay sila ni Ma’am Buenaventura. Nakangiti ang principal. Nakangiti rin siya. Pero maasim. Halatang balatkayo. Patatawarin siya ni Ma’am. Alam niya na ang mga ganung ngiti sa mga ganoong pagkakataon, ay pawang protocol lamang.

Tatayo ka at malalamang tubig na pala ang tuhod mo.

“Lalakad na ho kami,” sasabihin ng Nanay mo kay Ma’am Buenaventura.

“Sige ho. Mag-iingat kayo,” ang isasagot ni Ma’am Principal. Kumbakit naman hapon na’y makapal pa rin ang foundation niya, ay hindi ko alam.

“Hayaan n’yo po’t kakausapin ko ho,” ang ipapangako ng Nanay.

Lalakad kayo ng Nanay mo palabas ng opisina. Yayakap ang maalinsangang hangin. Mawawala bigla ang mga gumagapang na pawis mo sa likod.

“Puro ka katarantaduhan,” ibubulong niya sa’yo. “Ilang beses mo nang ginawa ito.”

Sa mga ganung pagkakatao’y hindi ka kikibo. Walang sapat na sagot.

Tuloy ang lakad.

“Nagpapakahirap kami ng Ama mo. Kaya yang Ama mo, sinabing wala na siyang pakialam sa’yo. Bahala ka na raw sa buhay mo. Suko na.”

Lunok.

“Orlando! Hindi ka pumapasok?! Ano bang gusto mong gawin sa buhay mo?” Magsisimula nang gumaralgal ang boses ng Nanay mo. Titingin ka. Basa na ang mga mata. “TATLONG LINGGO MO KAMING NILOLOKONG NAPASOK KA?!”

“Ganyan ka na lang? Ganyan ka lang? E, nag-aaksaya lang kami ng pera. Hindi tayo mayaman!”

Tahimik ninyong lalakarin ang bangketa papuntang Taft Avenue para sumakay pa-EDSA. Sa loob ng jeep, hindi siya tatabi sa’yo. Doon siya sa malayo. Sa likod driver. Dala ang lahat ng lesson plans at teaching aids, pati na rin ang mga pinamili sa palengke.

Ibababa niya ang lahat ng dala, maliban sa bagong problemang ibinigay mo. Hindi ito basta-basta naibababa. Ito ang mga dalahing tanging mga Ina lamang ang lubos na pumapasan.

Ipapatong niya ang ulo sa sandalan ng driver. At doon siya magsisimulang umiyak. Hindi mo magagawang mahiya. Kung tutuusin, ikaw ang dapat na nasa lugar niya.

Doon mo maiisip na hindi tama ang lahat. Na ang kabayaran ng ilang araw ng sarap, ay ang isang libong dagan sa dibdib ng Nanay mo. Na ang bawat nginuya mong Nagaraya ay katumbas ng bawat sakit sa panloloko mo kanya.

Sana, pag-uwi sa bahay ay padapain ka lang. Paluin ng yantok para kahit papano’y mapagbayaran mo rin ang sakit ng ibinigay mo sa Nanay mo ngayon. Pagkatapos noon ay patas na kayo. Nailabas na niya ang galit niya, habang ikaw naman ay mangangamote ng ilang linggo.

Pero hindi na iyon mangyayari. High School ka na. Kahit sa mga ganitong pagkakataon, ay rerepetuhin ng iyong Ina ang iyong paglaki at pagkalalaki. Mahal ka pa rin niya. Kahit ganito ka.

Iyon ang mas higit na masakit.

Bagamat madilim ang hapon pauwi, ay alam mong magiging maayos pa rin ang lahat. Alam na alam mo yan. Tuloy pa rin ang iyong tiwalang bukas ay papasok ka pa rin at bibigyan ng baon. May duda man sa isip ng Nanay mo’y, isusugal pa rin niya ang pag-asang magbabago ka.

Pero hindi. Magkakamali ka pa rin. Sisirain ang tiwala, at babastusin ang pag-asa niya. Mapapahiya ka uli. Iiyak siya, pero matapos noon ay pupulutin niya ang natitirang mga piraso para ibigay uli sa’yo.

Aasa siya uli. Aasang mabuhay ka uli.

Hindi ito ang huling mararanasan mo. Marami pang darating na pagkakataong masasaktan mo siya, gustuhin mo man o hindi. Marahil, ito ang papel ninyo sa buhay at tungkulin sa isa’t isa. Madadapa ka, magloloko, magwa-walanghiya. Sisirain mo ang buhay na iniluwal niya. Ilalayo mo ang sarili mo sa Nanay mo. Hindi siya dapat narito. Malaki ka na at problema mo na ito.

Pero magugulat ka na lang: nandyan siya uli. Iiyak sa simula, papahiyain ka, ipamumukha sa’yo ang iyong mga kakulangan, pero sa huli’y ilalabas ang lahat ng mga sandatang, ni sa hinagap mo’y, hindi mo alam na meron siya.

Ilalabas niya ang lahat ng mga alas, mailigtas ka lang at mabawi muli ang buhay na makapagpapaligaya sa’yo. Ibabalik niya ang pag-asang akala mo ay tuluyan ka nang iniwan. Hindi siya titigil hangga’t hindi ka nakakabalik.

Marahil ay makakalimutan mo ang lahat ng mga ginawa niya para mabuhay kang muli. Pero para sa kanya, hindi na mahalaga yun. Ang mahalaga ay buo ka. Buong buo ngayon.

Ngayon, iku-kwento mo ang mga bagay na hindi mo madalas ikuwento sa iyong mga kaibigan. Isang sekretong malupit, mula sa nakaraan na minsang mong ikinasira.

Pero sa mga pagkakataong ito, kailangan mong masira para mabuo ang Nanay mo.

Malaki ka na. Ikaw naman ngayon.

Maligayang Araw ng mga Ina!

Tags : lifescoopmother's daynanayrandom
Orly S. Agawin

The author Orly S. Agawin

Orly has been writing for The Jellicle Blog since 2008. He is a training and development consultant by day and an art enthusiast by night. He lives in Parañaque with his mom.

4 Comments

  1. Orly, Ikaw lang ang taong nagpabasa sa akin ng tagalog na hindi ko maiwanan ang kuento, promise! U r a natural writer and comedian. Keep that fire burnin for art and career! I will be eyeing for your new posts. You are awesome! x

Leave a Response


Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426

Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426