close
no thumb
Agripino
Agripino Yyak (1846-1918)
PHOTO BY: Rhett de Jesus

My character sketch for Flippers’ NOLI-gayang Pasko Year-End Party

 

Ako si Agripino Yyak. Pino sa mga magulang ko, kuya Pin sa mga kapatid, Pen sa mga kaibigan. Pina sa mga iilang pili.

Lahat sa akin ay hati – hitsura, pamilya, yaman, kultura at kasarian.

Espanyol ang nanay ko. Isang inasawa ng praile na dinala sa Filipinas para ilayo sa naghuhurumintatong pamilya n’ya sa Barcelona. Namatay ang praile, lumandi si inay. Ibinigay ang natitirang hiyas sa kauna-unahang Indio na nakasalubong kinaumagahan matapos ang ika-siyam na araw ng nasirang padre.

Ang Indio ay si Lamberto Yyak, si Itay. Galling sa pamilya ng mga taga-habi ng banig at kulambong inilalako sa Ilog ng Pasig para kina Chua at Yang, hulog ng mahabaging langit para sa kanya ang mestizang ina ko.

Kalahating mestizo, kalahating indio. Iyan ako.

Ang sabi ni Lola Puring, taga Kapiz ang mga ninuno ko. Ilang henerasyon ng mga mangkukulam at aswang ang mga nauna sa akin. Pinatay ng mga taga nayon ang ilan sa kanila. Ang iba namay’y lumipad papuntang Laguna.

Balang araw daw ay malalaman kong isa rin ako sa kanila. Isang gabing bilog ang buwan at pula ang mga ulap, ay bigla ko na raw maaamoy ang tamis ng sariwang dugo at namnam ng bata sa loob ng ina.

Lilipad daw akong may pakpak, pumapalahaw, ume-eek-eek.

Mahahati ang kalating mestizo at indio sa bandang bewang.

Pero hindi pa ngayon.

Indio man ako’y mahalaga sa akin ang nakikita. Di tulad ng pito kong mga kapatid na mga nagsipag-asawa na’t ninamnam ang buhay at kulay ng kanilang balat at amoy, ay mas pinili kong akyatin ang estero ng Pasig at gumawa ng sarili kong pagkakakilanlan.

Indio man ako’y, kalahati pa rin. May kalahating mestizo – mayaman, dayuhan. Ginamit ko ito para bihisan ang sarili ko ng kinang ng yaman, na kahit hindi ko mabayaran ay nadaan naman sa utang.

Kalahating yaman, kalahating pagkukunwari.
Kalahating puti, kalahating itim.

Subalit si Narding ang nagbigay ng kulay sa kakulangang itim-at-puti. Nang una ko siyang nakita – sa gilingan ng palay sa may Pila nang minsang isama ako ni Senyora Florencia sa kanyang ascienda – hindi ang sariwang dugo ang aking naamoy, kundi ang matamis na pawis sa kanyang likuran. Hubog na brasong pagka-tigastigas, animo’y hinulma sa pulang putik ng Kalamba.

Nagbibilad siya ng palay noon. Nakatalikod sa akin ang kahang sinisipat ng tanghaling araw, pinipiga sa init, at pinipiga ako.

Mula noon ay lagi na akong nasa Pila. Masulyapan lang si Narding ay sapat nang punuin ang mapagkunwari kong buhay na hati. Marahil ay alam niyang siya ang ipinupunta ko doon tuwing Mierkoles; kapag minsan nama’y Biernes. Kung gayo’y sapat nang kahit kami na lang ang nakakaalam.

Ilang taon na rin na nagpapabalik balik ako sa Pila para lang makanakaw ng tanaw. Daig ko pa marahil ang aswang na nakabantay sa buntis ng kabilang ibayo. Pero tulad din ng aswang, ay nagpapawis din ako, matiyagang nagmamasid, tahimik na lumulunok.

Sa isang buwan ay ikakasal ako kay Ligaya. Isang taga-Batangas na ipinakilala ng isang kaibigan. Maganda si Ligaya, mayaman, mabait. Kailangan ko na ring mag-asawa. Tatanda raw akong binata, minsang tukso ni Don Rafael Ibarra.

Sa pagpapakasal ko kay Ligaya’y isang panibagong paghati ang muling maidadagdag sa mahabang listahan ng aking kawalang-katiyakan.

Pero sapat na. Hati man ang marami’y, kahit papano ay may nag-iisang buo.

Ang puso ko, bagamat hindi magiging akin, ito naman ay para kay Narding.

Tags : booksilfescooprandom
Orly S. Agawin

The author Orly S. Agawin

Orly has been writing for The Jellicle Blog since 2008. He is a training and development consultant by day and an art enthusiast by night. He lives in Parañaque with his mom.

Leave a Response


Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426

Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426