close
no thumb
Waiting Nanay
Ang Karma ni Nanay

“Nay, lakad na ‘ko.”

Nilingon ako ni nanay, nakaupo sa may bintana. “Sumakay ka. Mahirap ang maglakad, pa-Makati ka pa!”

Umaga pa lang pagka-gising ko’y nakaupo na si nanay sa may bintana. Nakapag-almusal na ‘ko, nakapaligo, nakapag-make-up, nandun pa rin siya. Ilang oras din ang inupo n’ya sa tabi ng bintana, na hindi nalalayo ang tingin sa liwanag. 

“Ang text kasi kagabi, ngayon darating,” bulong ni nanay sa sarili. 

“Wag mo nang asahan ‘un. Tulog pa ‘un hanggang ngayon,” huling payo ko kay nanay bago lumabas ng pintuan. 

Pagkasakay ko ng taxi (dahil hanggang ngayo’y sira pa rin si Snooky), hindi maalis sa isip ko ang pwesto at mukha ng nanay ko. Paniguradong maghapong mag-iisa na naman siya sa bahay, na tanging TV at AM radio lang ang makakasama. 

Ilang buwan nang hindi namin nakikita sina Matthew. Marami raw trabaho sina Arvin at Phen, at kung minsan, magastos at pagpunta dito sa bahay. 

Ilang beses na ring nangako si Arvin na pupunta sila at dadalhin ang mga pamangkin ko. Pero naging linggo ang mga araw, at naging buwan ang mga linggo. 

Wala lang, namimiss lang ni nanay ang mga apo n’ya. Maliit na bagay, pero sa kagatagala’y lumalaki na rin. 

Iyan ang karma n’ya. 

Bata pa kami noon. Sobrang bata; malabo na ang visual memories ko.

***

Sa partido ng tatay ko, kaming dalawa lang ni Arvin ang apo. Kaisa-isang anak kasi si tatay. Kaya naman, sa tuwing pupunta kami sa Pansol, masaya ang Lolo Eli ko.

Kilala si Lolo Eli sa buong Pansol. Ayon sa mga nakausap ko, siya ang takbuhan ng mga pari noon kapag nanga-ngailan sila ng kwartong matutuluyan kapag dumating ang mga babae nila.

Matipuno, matangkad, matangos ang ilong at kamukhang kamukha ni Leopoldo Salcedo. Matandang naka-ilang asawa, pero Elder sa parokya. Mayabang, mataasin, at higit sa lahat – matalas ang dila.

Magarbo ang bahay n’ya. Mahaba, at two-storeys. Dating Inn sa mga bakasyonista, maraming kwarto, at maraming lugar para magawang playground.

Maayos makisama si nanay. Sa tuwing magbabakasyon kami sa Pansol, dala n’ya lahat ng pwede n’yang madala sa bahay ng Lolo ko para walang masabi. Iba ang klaseng pakisama kapag dapo ka lang.

Pero ang tatay ko, Superstar noon sa Pansol. Maraming kaibigan, maraming kabatian. Sa kanya ako nagmana ng pagiging Darling of the Crowd ko.

Kaya sa tuwing naka-bakasyon kami kina Lolo, walang oras na wala si tatay sa mga inuman at lakwatsa. Four years old si Arvin at five years old na ako, pero nagbubuhay binata pa rin si tatay sa tuwa at inom.

Kaya ang ending: Si nanay at kami lang ang laging nasa bahay ng Lolo ko.

Pero hindi kumikibo ang nanay ko. Lumaki siyang matiisin at sanay sa hintay. Tuloy pa rin ang pakikisama. Pinagluluto  pa rin n’ya si Lolo Eli at ang pangalawa nitong asawa.  Naglilinis ng bahay, at pinaglalaba kaming lahat.

Simula noong dumating kami sa Pansol, five days ago, ay halos dalwang beses lang sila nagkita ni tatay. Darating lang ng madaling araw para matulog, at magpapalit lang ng T-shirt sa umaga para lumarga na sa ulit sa mag-hapong inuman.

Hanggang sa isang gabing hindi na nakapagtiis si nanay.

Nakaupo siya sa terrace ng bahay ni lolo sa Pansol noon. Madaling araw na’y wala pa rin si tatay. Tahimik na umiiyak ang nanay ko. Ganun daw ang asawa, iba ang himbing ng tulog kapag nasa tabi mo na. Kapag wala’y para ka raw sinisilaban ng kutson.

“Naiyak ka, bakit?” tanong ng Lolo Eli ko, na siyang labas ng kwarto.

“Si Bayani ho, wala pa,” sagot ni nanay na nakatungo.

“Matulog ka na. Nandyan lang ‘un.”

“Lagi na lang pong ganito ‘e.” bulong ni nanay.

Naghintay si nanay na i-comfort siya ng matanda.

Naupo si lolo sa tapat n’ya. Tahimik lang silang dalawa. Nagpapakiramdaman.

Hanggang sa nagsalita si Lolo. Isang bagay na dapat sana’y hindi na n’ya binitawan.

“Ganyan na si Bayani noon pa,” sabi ng lolo ko. “Nakilala mo ‘yang ganyan. Maraming kaibigan, manginginom, lakwatsero. Wala ka nang magagawa. Lunukin mo na lang yan.”

Napatingin si nanay kay Lolo.

“Yan ang pinakasalan mo ‘e,” tuloy ng Lolo ko. “Pasensiya ka.”

Napahagulgol ang nanay ko. Naramdaman n’ya ang pag-iisa ng mga oras yun. Wala siyang pamilya, maliban sa amin ni Arvin na wala pang kamuwang-muwang. Ang tanging inasahan n’yang magpapalubag ng loob n’ya: pinagsalitaan pa siya.

Wala pang isang oras ay naka-empake na si nanay. Gising na kaming magkapatid, at naka-sapatos na.

“Doon na tayo kay Lola n’yo,” bulong sa amin ni nanay. “Wag kayong maingay paglabas.”

Sa Los Banos ang hometown ni nanay. Trenta minutos lang mula Pansol. Andun ang Lola kong tindera ng bigas.

Dala kami ni nanay ng umagang iyon pa-Los Banos. Dala lahat ng damit namin, pati ang mga damit ng tatay ko.

Hanggang briefs.

Tell me about getting even.

Tuloy ang bakasyon namin sa Los Banos. Actually, mas enjoy kami ni Arvin doon dahil andun lahat ng mga pinsan namin kay nanay. Mas maraming kalaro. At dahil malawak ang lupa ni Lola sa Laguna, mas maraming pwedeng gawin at puntahan.

Nagkabati rin si nanay at tatay. Nagkabalikan sila (after a week). Ganun naman talaga. Umuwi si tatay sa Los Banos isang hapon. Tapos OK na sila. Inisip ko kung bakit. Dahil siguro, mahirap mag Side-A-SIde-B ng briefs na ‘di nalalabahan.

But as with Lolo Eli, hindi na siya hinarap ni nanay tulad ng dati. Hanggang sa namatay ang matanda, hindi na tumapak si nanay sa Pansol para dalhin kami ng kapatid ko.

Minsan, sa ilang buwang ilalagi namin ni Arvin sa Los Banos tuwing summer vacations, pinasisilip kami ni nanay kay Lolo Eli kasama si Tita Monching. Pero hindi rin kami nagtatagal. Isang araw lang, kung minsan, ilang oras lang ang ilalagi namin sa terrace ng Lolo ko.

Natatandaan ko noon ang ngiti at sigla ng Lolo Eli ko sa tuwing darating kaming mag-kapatid. Bagama’t naghihirap na, ilalabas niya ang pinagkakatago-tagong mga karne at gulay para maluto sa tanghalian. ‘De softdrinks pa kami!

Noong nagbibinata na si Arvin (at nagdadalaga ako), tuloy pa rin ang mga madadalang na bisita namin. Dahil rin sa mas gusto namin sa Los Banos, hindi rin kami nagtatagal sa Pansol.

Minsang bumisita kami ni Arvin, nahuli namin si Lolo na nagpunas ng luha nang nagsabi na kaming paalis na kami.

Kaya naman si Lolo noon, lahat na ata ng paraan para makita ang dadalawang apo n’ya, ay ginawa n’ya.

Nagsangala siya minsan ng lagare para maka-ipon ng pamasahe pa-Maynila.

Nagbenta siya ng upuan para mapadalhan kami ng pasalubong.

Nagutang sa kapitbahay, para may pamasahe, pabalik ng Pansol.

Pinakisamahan pa rin siya ni nanay sa tuwing narito siya sa amin. Inilalabas ang mga masasarap na pagkain. Ipinasyal.

Pero ‘ni minsan, ay hindi na n’ya ibinalik ang dating kapalagayan ng loob. Isang bagay na tahimik na pinag-tampo ng tatay ko kay nanay.

Namatay si Lolo Eli ng July 5, 1995. Dinala n’ya hanggang hukay ang galit ni nanay.

***

Hindi ko masukat kung gaanong klaseng pangungulila ang pinagdaanan ng lolo ko. Kami na nga lang ang mga apo’y, madalang pa sa dating ng Charcoal Truck ang pag-kakataong makita at maka-bisita. 

At si nanay? Oo. Nagalit siya. Nagtampo. Lumayo.

Pero siya yun. Hindi naman siya naging masamang ina, at hindi siya nag-pabaya sa amin nina Arvin at tatay.

Anong magagawa n’ya? Tao lang din siya. Nagagalit. Nagtatanim. Nagdadala. Period. 

Hindi ko siya masisisi. Nagalit man siya kay Lolo noo’y, sigurado akong napatawad na rin niya ito ngayon. May mga bagay na hindi ko na maiintindihan, at wala nang balak usisain pa. 

‘Un nga lang: may mga kabayarang hindi na natin dapat tanungin pa. 

Hindi kami ipinagdamot ng nanay ko kay Lolo Eli. Kami ni Arvin ang mas pumiling gumusto sa mga Lola ko at pinsan sa Los Banos. Hindi namin noon naiintindihan ang kalse ng pangungulila na pinagdaanan ng Lolo ko sa Pansol. 

Kami ang pumili. Kasama ng nanay ko’y, lumayo na rin kami. Isang pagkukulang na pinagbabayaran ngayon ng nanay ko. 

Inalala ko si nanay. Nasa bahay siya ngayon. Pihadong, naka-tanga pa rin sa bintana, hinihintay ang bunso n’yang anak na karga si Varga at hawak si Matthew sa kabilang kamay.

Pero dahil mas higit akong nakaka-alam, at nakaka-intidi, hindi na ‘ko umaasa. 

“Nay,” sabi ko sa telepono. “May magandang sine ngayon. Palabas sa MOA. ‘Ung paborito mo. Si Eugene Domingo,” sabi ko na nakangiti.

“Nood tayo?” tanong ni nanay sa kabilang linya. 

“Why not?”

 

 

Tags : lifescoopnanayrandom
Orly S. Agawin

The author Orly S. Agawin

Orly has been writing for The Jellicle Blog since 2008. He is a training and development consultant by day and an art enthusiast by night. He lives in Parañaque with his mom.

3 Comments

  1. Naantig naman ang puso ko sa kwento mo, Orly. Nakakalungkot, parang walang redemption na nangyari sa lolo mo. Etong mga kwentong ganito ang nag-re-remind sa akin na wag masyadong maging maasim and mapait. Kaya conscious effort talaga akong maging masaya. Kung mapapansin mo sa FB, I rarely post negative status messages. Kaka-down kasi e. Tapos mababasa pa ng mga tao at ma-do-down sila.

    1. I couldn’t agree more, Peter. Iniiwasan ko rin magpost sa FB ng nega. Dapat laging good vibes.

      Yes, my lolo died without much redemption sa kanila ni nanay. That’s a sad fact. Though they continued to talk, the relationship they had wasn’t the same as before. Aminin natin, maraming mag-biyenan na ganyan sa mundo.

      I agree that it’s a sad thing. Pero ganun talaga. It’s a story, that I just need to share.

      Let the redemption be among those who’d read this. They are still here, and can still make things better.

      Let’s keep spreading the love.

  2. Ay naman, naiiyak naman ako dito 🙂 naalala ko tuloy ima ko. Minsan nga sa matatanda, they long for attention but in our busy world, sometimes we tend to put seeing them as the least priority. Hiramin na si Varga, merino long weekend na parating, lipad papunta sa mga apo:)

    Thanks Orly for sharing. Your blog never fails to make me laugh and reflect at the same time. Keep on sharing. Mwah!

Leave a Response


Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426

Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426