close
Singin-in-the-Rain-DI

Monday, July 8, 2002

Nagising ako ng alas-otso ng umaga. Madilim pa rin sa labas, malamig ang hangin, at malakas ang ulan. Hindi pa natigil si Bagyong Gloria simulang pumasok siya noong Huwebes.

Lunes noon at simula na naman ng pasok. Siguradong handa na ang mga kaklase kong makinig na naman sa walang tigil na mga litanya ko tungkol sa nangyari noong isang linggo. Tiyak akong walang tigil na naman ang mga payong makukuha ko. Mga payong tigilan ko na ang pag-iyak at tanggaping wala na nga siya.

Buong Sabado’t Linggo’y hindi ako nakakakain ng mabuti. Hindi ako nakagawa ng mga assignments sa school at hindi ako nakatulong sa bahay. Buong Sabado’t Linggo’y nagkulong lang ako sa kwarto, walang kinausap kundi ang dingding. Buong Sabado’t Linggo’y wala akong ginawa kundi titigan ang cellphone ko at halos magkandarapang damputin sa tuwing may mag-ti-text.

Sana, siya, ang lagi kong bulong. Sana, na-realize na n’ya.

Pero buong Sabado’t Linggo’y wala siyang na-realize. Buong Sabado’t Linggo’y nagpakasaya sila.

Wala akong sinabihan sa bahay. Wala silang alam lahat. Ayoko ring dagdagan ng problema ang nanay ko. Inaalagaan na n’ya si tatay na noo’y binaldado na ng ika-pitong stroke. Ayoko nang dumagdag.

Alam nilang bakla ako. Walang problema doon. Bata pa ko’y alam na nilang hindi pwedeng manood ng PBA tuwing Linggo dahil Superstar sa Channel 9 at ako ang nasusunod sa TV. Ngayong malaki na ko’y, ako ang nagsisilbing Boy Abunda pag dating sa mga family activities at John Lapuz sa mga inuman.

Pero hindi sinasabi ang mga kwentong  pag-bo-boyfriend sa isang ultra-conservative na pamilya. Magagalit daw and Diyos. Kukulog, kikidlat. Kakainin tayo ng lupa.

Salamat na lang at balik ako ng iskwelahan noong araw na ‘un. Kahit papano’y may mga tao doong makakaintindi sa mga pag-si-senti ko, at mababawasan ang bigat sa dibdib ko.

“Walang pasok,” bungad sa akin ni nanay pagkalabas ko ng kwarto. “Signal no. 3, sinuspinde na ang klase.  Hindi pa naalis si Gloria.”

“Ay papasok ako,” sagot ko.

“Wag kang tanga!” sigaw sa akin ni nanay. “At san ka naman pupunta? Ma-stranded ka pa d’yan.”

Dahil sa lamig ng hangin sa labas, hindi ko napansing hindi umaandar ang mga electric fans sa sala. “Walang ilaw?”

“Kanina pa,” sagot ni nanay, habang pinaghihiwalay ang mga puting damit sa de kolor.

“E telepono?”

“Wala rin,” sagot n’ya.

Anu ba yan! Kundi ka naman talaga minamalas! sa loob ko. Mukhang buong araw akong makukulong dito sa bahay na walang makakausap. Papano kung atakihin na naman ako ng senti?

“Maghanda ka na ng makakain ng tatay mo. May adobo d’yan. Kumain ka na rin pagkatapos.”

“Wala akong gana.”

Naglaba si nanay. Naghanda akong pagkain ni tatay. Buwiset na araw ‘to. Kung bakit naman sinabayan pa ng langit ang pag-ngawa ko?

Naupo ako sa tabi ng braso ni tatay. Ini-upo ko siya at isinandal sa cushion chair na nakasandal sa headboard ng kama matrimonial.

“‘Tay, kakain na,” bulong ko.

Mag-ta-tatlong taon na noong bed-ridden si tatay. Matapos ang ilang mild strokes, binawi na rin sa kanya ang kaliwang katawan at salita. Tanging mga tango, ungol at turo lang ang pang-usap n’ya sa amin.

Dahan dahang sinubuan ko si tatay. Mahirap na siyang lumunok, at madalas pang masamid.

Tiningnan kong maigi si tatay. Ang swerte n’ya. May asawa siyang nag-aalaga sa kanya. ‘E ako? Sino ang sa akin?

Wala.

Hindi ko napigilan ang luha. Sa gitna ng rituwal na pagpapakain kay tatay, ay bigla na lang akong napahagulgol.

“‘Tay, may problema ako.”

Tiningnan ako ng tatay ko. Umiyak din siyang bigla. Tumango ng dahan dahan at hinawakan ang kamay ko.

“Niloko ako ‘tay,” pilit kong binulong. Mahirap nang marinig ni nanay. Siguradong sermon ang aabutin ko.

Maganda na ring kay tatay ko na lang ibuhos ang nararamdaman ko nang mga sandaling iyon. Tahimik na lang siya sa kama at siguradong wala siyang ibang masasabihan, kahit ilang taon pa silang magtabi ni nanay.

“Ang sakit pala ‘tay. Ang sakit sakit,” sinabi ko habang tahimik akong umiiyak.

Pinunasan ni tatay ang luha ko. Pinunasan ko ang sa kanya. Ibinaba n’ya ang kamay n’ya at nag-astang namununtok. Nalerki ako. Baka mabuntal pa ‘ko ng baldado.

Dahan dahang pinukpok n’ya ang dibdib ko. Matapos noon, pinukpok naman n’ya ang kanya.

“Talaga ‘tay? Kaya ko ‘to?” tanong ko sa kanya.

Tumango siyang humihikbi. Sapat nang sagot na gusto kong marinig.

“Ano yan? Ba’t hindi mo sinusubuan, e lalamig na naman ang pagkain ng tatay mo,” biglang bulas ni nanay sa likod ko.

Patay!

“‘E kasi ‘tong si tatay e, ang bagal ngumuya e,” pasinungalin ko. Sorry ‘tay ah! Desperate situations call for desperate measures.

“Bayani, kumain ka na. Tapusin mo na ‘yan!”  utos ni bungangera. “Gusto mo naman kasi nandito pa ‘ko. ‘E ang dami kong nilalabhan.”

Naupo si nanay sa kama. Sumandal sa headboard, at inihiga ang ulo ni tatay sa dibdib n’ya.

“O ayan, nakaupo ka nang mabuti. Kain na!” utos ulit ni nanay.

Pareho na silang nakaharap sa akin. Si tatay, si nanay. Itinaas ko ang kutsarang may lamang konting kanin at hinimay na adobong karne. Naka-subo ulit si tatay. Hinimas ni babae ang ulo ni lalake. Nakiusap ulit.

“Lunok na,” malambing na pakiusap ng nanay ko. “Ibibili kita ng hamburger mamaya. Gusto mo ‘yun.” Sabay halik niya sa noo.

Ganun nga siguro kapag nagmamahal ka at minamahal ka. Walang mahirap na problema, dahil kayong dalawa ay sapat nang solusyon. Sa oras ng gipit nandun ‘un isa. Umaagapay, hindi ka iniiwanan.

Lumabas ulit ang second batch ng luha ko. Kasama pati sipon at sigaw.

“WAAAAAH! Nay…..Pag…..pray…mo…’ko!” bulas ko.

Nagulat si nanay. Mukhang aatakihin. Matagal na kong hindi nasama sa kanya sa simbahan tuwing Linggo at nakalimutan ko na ring magdasal kahit papano.

“HINDI KO NA ‘TO KAYA! Hirap na hirap na ‘ko!”

Hindi muna nagsalita si nanay. Tahimik n’ya akong tiningnan. Saka nagsabing: “Anong problema mo?”

“Basta.”

“Aba Orlando! Papano kita ipagdadasal kung hindi ko alam kung anong tsismis?”

“Basta, ipagdasal mo na lang ako,” sagot ko habang umaatungal.

“‘E ako pa bibigyan mo ng problema n’yan sa panghuhula e! Ano bang problema?”

“Basta nga!”

Nakisama na rin si tatay sa pag-iyak. Idinampi ulit n’ya ang kamay n’ya sa dibdib ko. Pagkatapos ay sa dibdib naman n’ya. Lalo akong naiyak.

“Bayani!” tanong ni nanay kay tatay. “May alam ka ba dito?”

“‘Nay, kahit may alam yan, wala kang makukuha d’yan. His lips are sealed!”

“Lintek na! Ako pa pala huling makaka-alam nito!”

“Basta! Wag mo nang alamin.” Parang umiinit na ulit, kahit malakas ang ulan sa labas.

“Anung problema? Sabihin mo!” tanong ni nanay na parang nag -i-interrogate. “Hindi ka-ga-graduate?”

“Ga-graduate ako noh!” sabi ko. Dean’s Lister ‘ata ‘ko. Pero malamang, next sem hindi na, dahil parang nawawalan na ‘kong interes mag-aral.

“May naka-away kang propesor?”

“Wala!”

“May nadispalko kang pera?”

“Hello?!”

“‘E anu ngang problema?! Sabihin mo’t maipagdasal na yan!”

Tiningnan ko si nanay. Panandaling tumigil ang iyak ko. “Concerned ka ba talaga o gusto mo lang maki-tsismis?”

“Lintek ka!” sigaw ni nanay. “Sabihin mo!”

“Basta nga!”

Tumigil na ko sa pag-iyak. Mukhang nasa bingit na ‘ko ng kamatayan.

Tumahimik na rin si nanay. Tanging ang hampas ng hangin at ulan sa mga bubong at puno sa labas ang narininig namin.

Nakatungo ako sa pinggan ng pinaghalong adobo at kanin, nang marinig ko ang malalim na buntong-hinga ng nanay ko.

“Lalake?” bulong n’ya.

“WAAAAAAAAAH!!!!” sagot ko ng malakas! Tulo luha, sipon – pati luga isinama ko na rin.

“Ayan na nga bang sinasabi ko. Matagal ko nang sinasabing tigilan mo na yang pag-babakla mo. Wala kang mapapala d’yan.”

“‘Nay naman!”

“Ano’t eto na nga?” sagot ng matanda. “Lolokohin ka lang ng mga lalaki. Peperahan ka. Gagamitin.”

“‘Nay, hindi ako pinerahan,” paliwanag ko.

“Darating din sa ganyan. Wag ka nang mag-kaila. Darating din sa ganyan!”

Tuloy pa rin ang pag-iyak ko. Isinbay ko sa lakas ng ulan ni Gloria noong araw na ‘un. Sa labas, bumaha na sa Maynila, sa bahay naman, bumaha ng sikreto ko.

“Ako na d’yan,” utos ni nanay sabay kuha ng pinggan sa kamay ko. “Kumain ka na’t ikaw na magpatuloy ng nilalabhan ko.”

Hindi na ko umarte pa. Pagkakataon ko na para makatakas sa kuartong halos malunod ako sa mga sinumulan kong drama.

Dumeretso ako sa kusina. Sumandok ng kanin at ulam, naupo sa dinning table. Hindi pa rin mawala sa isip ko ang sakit, pati na rin ang problemang ibinigay ko kay nanay.

Matapos ang unang subo, tinamad na ako. Wala talaga akong gana. Wala pa ring lasa ang pagkain. Tiningnan ko na lang ang pinggan kong puno ng ulam at kanin.

Nakikita ko pa rin siya. Ang saya nila ngayon siguro.

“Aba! Kung hindi ka kakain, ‘e ibang problema na naman ang makukuha mo n’yan!” sabi ni nanay na nakatayo pala sa likod ko. “Hindi iniisip yan. Lahat dumadaan sa ganyan. Kailangan mo lang tanggapin.”

Sumubo ako ng pangalawa. Dumertso si nanay sa ref para kumuha ng tubig.

“Masakit talaga yan. Parang bato yan sa dibdib mo. Hindi natatanggal, ambigat bigat. Laging nasa isip mo: ang saya saya nila. Pero anung magagawa mo? Andyan na yan? Lunukin mo na lang.”

Nilunok ko nga ang kanin.

“Humanap ka ng babae. ‘Dun hindi ka masasaktan. Mabubuntis mo pa.”

“Gusto mo ‘kong mawalan lalo ng gana?” tanong ko.

“MAGLABA KA!”

Naglakad si nanay pabalik sa kwarto. Tumigil sandali at nilingon ako uli.

“Tigilan mo na yan,” bulong n’ya sa akin. “Pati ako magdadala n’yan.”

Pumasok si nanay sa kwarto nila ni tatay. Muli kong tiningnan ang pagkain sa harap ko. Bigla akong nagutom. Naamoy ko ang asim ng sabaw ng adobo.

Tumingin ako sa labas. Medyo humina ang ulan. Manananghali na rin siguro sabi ko sa sarili ko.

Bigla kong napansing nakangiti na pala ako.

Tatay, nanay, salamat.

Tags : confessionslifescooprandomtheorgy
Orly S. Agawin

The author Orly S. Agawin

Orly has been writing for The Jellicle Blog since 2008. He is a training and development consultant by day and an art enthusiast by night. He lives in Parañaque with his mom.

3 Comments

  1. well kung may taong nakakakilala cno ba talaga c ORLY syempre ako yun nho!! hehehe pero ang panalo eh mga eksena ni nanay!! sobrang na mimizz ko talaga c nanay as a matter of fact mas mizz ko cia kaysa kay orly.. at di ko na lilimutan ang KAPE ni nanay pag umuuwi ako ng pinas hehehe.. na mizz ko din ang mga eksena na nanay lalo na isang beses itong c orly panay utos kay nanay (food, plansta, at kung ano ano pa) ang nanay nag lintanya John itong kaibigan mo utos ng utos sa akin daig ko pa katulong buti kmo may SAHOD ako wala naman … hahaha natawa ako kc nanay eh isang ULIRANG GURO tapos hetong c ORLY akala ata jolalay nya c nanay hahahaha kaya c nanay mega TALAK din hahaha i love u nanay

Leave a Response


Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426

Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426