close
no thumb

Makinig ka.

Noon ang sabi mo, kami ang boss mo. Nang magsalita ka noon, bago ka pa manumpa, pinangako mong wala nang magiging corrupt at sakim.

Naniwala naman kami sa’yo agad. Ang sabi namin, ikaw na nga siguro ang sagot sa mga kalokohang ginawa ni Arroyo.

Pero kahapon, habang naglalakad ako sa PNU, ilang daang banners at posters ang nakita ko na kinukundena ka na. Mantakin mo: hindi pa umiinit ang puwet mo sa Malacanang, ilang protesta na ang namumuo laban sa’yo.

Hindi ako aktibista, pero kahit papano’y marunong akong makinig at mag-matyag. Sa mga nakita at nabasa ko kahapon sa iskwelahan, ay masasabi kong may gagawin kang hindi naayon sa integridad at kalidad ng mga State Universities natin.

Sinabi mo kamakailan lang na: “the government aims to gradually reduce subsidy to State Colleges and Universities (SCU) to push them toward becoming self sufficient and financially independent.”

Hindi yun nakakatuwa a?

May mga kaklase ako noon na tanging tatlong piling ng nilagang saba ang baon araw araw. Ang iba naman ay dala hanggang Maynila ang mga kunot na kamay at paa dahil sa pagtulong sa pagsasaka sa bukid. Hindi nila ininda ang pagpunta at pag-aaral sa PNU dahil noo’y napaka-baba ng matrikula.

Bago pa man ako natapos sa UP at PNU noon ay naisip ko, na ang mga State Universities ay isa sa mga sagot sa kinabukasan ng mga walang walang.

Nakatapos ako sa PNU noon na tanging Php 350 lang ang binabayaran ko kada enrollment at may subsidy pa ang mga kaklase kong hirap sa pagpasok. Ngayon, karamihan ng mga dati kong kaklase ay nasa pagtuturo na, habang ang ilan naman sa amin ay nasa iba’t-ibang industriya.

Noong 2002, dahil sa isang budget cut, itinaas ni Arroyo ang tuition ng PNU. Hindi man kami apektado (dahil 4th years na kami), na-biktima naman nito ang mga nasa unang taon. Mula Php 350, naging Php 2,800 ang matrikula ng mga bagong pasok. Hindi nakinig ang Malacanang sa hinaing ng mga ka-iskwela ko. Tinuloy ang 500% Tuition Fee Increase, nang walang ka anu-ano.

Ngayon, may Budget Cut ka na naman daw para sa mga State Colleges and Universities. Sa mga nabasa at narinig ko kahapon sa iskwelahan, mukhang malalaking porsyento ng educational budget ang balak mong kaltasin.

  • Philippine Normal University (91 M or 23.59%)
  • University of the Philippines (1.39 B or 20.11%)
  • University of Southern Philippines (88.81 M or 18.82%)
  • Central Bicol State University of Agriculture (31.65 M or 15.99%)

Sa pagkaka-alam ko, ito na ang pinaka-mataas ng kaltas ng pondo para sa SCUs sa mga nagdaang taon.

Akala ko ba’y kailangan mo ng mga mahuhusay na guro? Akala ko ba’y kulang ang mga guro sa mga paaralan mo ngayon? Bakit sa mga nakita ko’y PNU pa yata ang may pinaka-malaking kaltas.  Ito ba ang daan na matuwid? O, baluktot lang ang pag-iisip mo ngayon?

Becoming a self sufficient and financially independent college or university ‘ba ka’mo? Anung gusto mong mangyari sa amin? Maging pribado? Hindi pwede! Center of Excellence ang PNU! Pano na kami kapag napasukan ng negosyo at capitalismo ang ngayo’y pinangangalagaang integridad at kalidad ng mga PNU graduates at faculty?

Higit sa lahat, paano na ang mga walang mapang-matrikula? Paano na ang pag-asa at kinabukasan ng mga wala at hirap?

Dahil dito’y magkakaroon ng Walkout sa PNU bukas. Kasama ang kalahatan ng mga guro’t mag-aaral. Sa September 24 nama’y may Mass Walkout ang lahat ng mga public schools at SCUs sa buong Pilipinas.

Hindi ako naniniwala sa mga welga, demonstrasyon at walkouts. Kahit papano’y naniniwala pa rin ako sa maayos na usapan.

Pero kung sa tingin nila’y isa ito sa mga hakbang para marinig mo sila, sasama ako at makikisigaw kahit naka-upo lang ako sa workstation ko.

Nakakalungkot, dahil noo’y halos isigaw ko ang pangalan mo para naman maibalik ang tiwala ng tao sa Malacanang. Ang iyong ama at ina ang naging sandalan ng aking mga magulang noong iniligtas nila tayo sa kahayupang ginawa ng mga Marcos. Hindi man iniahon ni Cory ang bansa noo’y, kahit papano ay nabigyan ng pag-asa ang Pilipinas. Pero sa ginagawa mo ngayon, dala marahil ng baluktot na pag-iisip, ay unti-unti akong napapahiya sa naging desisyon kong suportahan ka noon.

Hindi lang ang pagsugpo sa mga wang-wang at kotong ang sagot sa kahirapan. Hindi ba dapat ay kailangang bigyan din ng halaga ang Edukasyon?

Makinig ka.

Orly

PNU – Graduate Student

Tags : educationlifescooppnu-eltrandom
Orly S. Agawin

The author Orly S. Agawin

Orly has been writing for The Jellicle Blog since 2008. He is a training and development consultant by day and an art enthusiast by night. He lives in Parañaque with his mom.

5 Comments

  1. Damang dama ko ang pighati na nararamdaman mo at ng ilan sa ating mga kababayan sa usaping ito. Ako ay nagtapos sa unibersidad na pang komersiyo kung kayat alam ko ang kahirapan dinaranas ng mga mag aaral na walang pantustos sa pang araw araw na gastusin. Ngayon ako ay nagtuturo na rin sa isang unibersidad na pinapatakbo ng lokal na pamahalaan. Maging ako ay tutol na gawing self sustained ang mga kolehiyo at unibersidad na sinusubdiya ng gobyerno. Marami sa mga kababayan natin na umaasa sa mura at dekalidad na institusyon.

    1. hi Nelson. I got updates. There was a mass action in PNU last week as planned. It was successful and folks from Anakbayan, PNU Stand, PNU Student Government and the PNU Faculty Association. This week, there’s going to be a Mass Walkout among the state colleges and universities. Tuloy na tuloy!

Leave a Response


Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426

Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426