May nang-hostage kanina. Alas-otso pa lang daw ng umaga, naikulong na si PNP Sr. Inspector Rolando Mendoza ang mga sakay sa isang bus na puno ng mga Hong Kong Chinese Nationals.
Alas-otso y medya na ng gabi, nasa balita pa rin. Ang daming tao sa 3rd floor pantry. Lahat naka-nga-nga sa bagong flatscreen TV. Tahimik. Palatakan ng palatakan (tsk tsk tsk).
As of 10:57pm, pito na ang namamatay. Kasama na si Mendoza. Pero hanggang ngayon ay hindi pa rin kumpirmado kung ilan talaga. Nakakalungkot. Nakakatakot.
Pero kami nina Mother Domeng at Romi, nasa yosihan lang. Iba ang agenda namin. Pinag-isipan namin kung bakit hostage taker ang tawag sa nang-ho-hostage at hindi hostager. Inisip at pinagtalunan namin ang kawalan ng term para sa mismong nag-aamok. Bakit nakatuon ang term sa mismong biktima? Papano ang kaaway?
Kontrabida na nga, wala pang pangalan.
Tumingin na lang kami sa labas ng yosi area at pinanuod ang ulan. Nagbilang na lang kami ng mga kulog at ng mga kidlat. Naka-labing walo rin kami.