close
no thumb

Ipinarada ko si Snooky sa tapat ng Union Bank, Pasong Tamo Extension branch.
Tiningnan ko si nanay na halos hindi nagsasalita simula pa nung umalis kami ng bahay. Huli ko siyang narinig magsalita kaninang agahan; ni-request na sumabay sa akin sa pagpasok para ma-check daw n’ya kung nagsimula na ngayong buwan ang pension n’ya.
“Sabi sa GSIS,” bulong ni nanay na hindi naalis ang mata sa kanin at ulam n’ya, “i-check ko daw ngayong buwan na ‘to kung papasok ang pension ko.”
“Ilang buwan yan?” tanong ko.
“Isa lang. Kung meron nang pumasok, ngayon na ang simula.”
65 na si nanay. 60 siya nang mag-retire. Lump sum ang kinuha n’ya nung tumigil na siya sa pagtuturo. Actually, hindi ung inaasahan n’ya ang na-credit sa, pero OK na rin. Hindi na rin siya nag-reklamo. Ang sabi n’ya hangga’t buhay pa naman siya, magagamit pa rin n’ya un.
“Dito na lang ako,” sabi ko kay nanay. “Hindi na ko mag-papark d’yan sa loob. Bilisan mo na lang.”
Walang kibong lumabas si nanay. Kinakabahan siguro.
Pinagmasdan ko siyang naglalakad pa-ika-ika papunta sa ATM ng Union Bank. Kurkubado na at mabagal maglakad.
***
Sabi ni nanay, pagkatapos mong sumuko sa ilang taong pagtatrabaho sa gobyerno at napili mong mag-lump sum, makukuha mo ang latest sweldo mo times the number of years of service plus kung anu-anu pa. Maganda na raw ‘tong pagsimulan ng bagong nag-retiro.
Pero may catch. Hindi ka makakatanggap ng pension for the next 5 years. Kaya naman ‘ung ibang matatanda na nag-lump sum, matapos sairin ng mga anak at manugang nila ang kanilang napag-retire-an, limang taong naka-aasa ang mga pobreng Senior Citizens na ‘to sa mga anak na nang-huthot.
Pero si nanay – wais. Tatlong taon pa lang bago siya mag-retire, naka-plano na ang retirement n’ya.
Ilang buwan lang matapos n’yang matanggap ang lump sum n’ya, naubos na agad. Bakit naman, ‘e nag-pakasal si Arvin. 100K din ang iniabot n’ya dito. ‘Ung natira, ipinagpagawa n’ya ng dalawang apartments sa Los Banos.
Ako? Ni piso, wala akong natikman sa retirement pay n’ya. Pero wala sa akin ‘un. Pera ni nanay ‘un, hindi ako dapat umasa. Pero kung nagkataong ikinasal ako nang mga panahon na yun, o nag-plano mang magpa-sex change, e marahil nag-alboroto ako ng bonggang bongga kung hindi ako naambunan ng suporta. Joke lang.
Pero tulad ng ibang nag-lump sum, naghintay din si nanay ng limang taon. Limang taon syang naka-aasa sa buwanang iniaabot ko at sa kita n’ya sa mga paupahan n’ya. Kahit papano’y maluwag ang paghihintay n’ya kahit minsa’y hindi on time kung magbayad ang mga nangungupahan. Kahit minsa’y nababawasan ko ang nai-entrega ko sa kanya.
Sa loob ng limang taon madalas n’yang sabihin sa aking isa sa mga dasal n’ya ay ang umabot pa siya ng 65 at higit pa, para naman daw matikman n’ya ang nakaupo na lang at kumikita ng pensyong ibibigay ng gobyerno. Makakatulong daw ‘to para mas makapag-ipon siya muli sa pag-pagawa ng bahay naming matitigilan sa Los Banos. Makakatulong din daw ‘to para kahit papano’y matulungan n’ya sina Arvin sa mga pangagailangan tulad ng gatas nina Varga at Matt.
Limang taon siyang naghintay. Naghintay rin ako. Gusto kong dumating ang araw na matikman ni nanay ang pagtanaw, ng sistemang minsa’y tinulungan n’ya, ng utang na loob sa mga katulad niya. Sa tuwing nananaginip siya ng gising at nagsasabi ng mga plano n’ya sa pension n’ya, naiisip ko ang ilang taong walang humpay na pagsisilbi n’ya sa Zamora bilang isang guro. Naalala ko ang pag-gising n’ya tuwing madaling araw para makahabol sa Flag Ceremony, pati na rin ang paghahanda n’ya sa gabi ng mga gagamiting materials para sa mga bata.
Napakatagal nga naman ng limang taong paghihintay, kung iisipin mong tatlumpu’t walong taong siyang nagturo ng Grade 1 sa Zamora. Napakabagal ng oras para mag-65, kung iisipin mong ilang taon na halos iwanan n’ya kaming magkapatid sa kapitbahay, nung maliliit pa kami, para lang hindi siya mahuli sa umaga. Masyadong pahirap ang matagal na pagbibilang 1,825 na araw sa tuwing aalalahanin ko ang gabing nabagsakan siya ng malaking problema kay tatay pero pinilit pa rin n’yang pumasok kinaumagahan.
Pero ganun talaga si nanay. Hindi trabaho para sa kanya ang pagtuturo. Tungkulin daw ito. Ang mga estudyante raw na walang teacher ay parang mga anak na nawalan ng magulang sa isang araw. Ipinaampon sa mga katabing kwarto, sa ibang mga magulang. Madalas daw ay nag-iiyakan, nagsisi-uwian, nag-wawala. Hindi raw biro ang mag-absent ang isang guro. Ang isang araw na absent, sabi ni nanay, ay katumbas na rin pagtataksil mo sa sarili mong mga anak.
Kung makuha ni nanay ngayon ang kauna-unahan n’yang pension, mas mabuti. Kung hindi naman, ay OK lang din. May maiaabot pa rin naman ako sa kanya ngayon at sa katapusan. May mga magbabayad pa rin namang mga tenants sa Los Banos at Pansol.
***
Pagpasok ni nanay kay Snooky tumingin siya sa akin…hindi matawaran ang ngiti.
“Pumasok na, may pension na ‘ko.”
“Talaga?!”
“12,000. Eksakto.”
Php 12,000. Yan ang pinaka-huling sweldo ni nanay bago siya mag-retire after 38 years in service. No wonder walang may gustong magtagal sa patuturo sa gobyerno. Maliban lang kung talagang passion mo.
“O ‘di masaya ka na?!” tanong ko.
“Syempre!”
“Mukha ka talagang pera!”
“Wala kang pakialam!” sabi ng matandang katabi ko.
Pinaandar ko na si Snooky papuntang EDSA. Male-late na ‘ko sa opisina. “Saan kita ibababa?” tanong ko.
“Saan ba maganda? Balak ko kasing bumili ng tsinelas.”
“Napakamahal naman ng tsinelas yan! 12K? Anu yan, glass slippers? Talo mo pa ‘ko!”
“Tanga! Ilang taon na rin naman akong walang bagong tsinelas.” sigaw ni nanay.
“Hindi mo naman kelangan ng tsinelas ‘e. Hindi ka naman naglalakad lagi dahil sa rayuma mo. Ang dapat mong bilhin, wheelchair!”
“Ay nako! Hindi ko kelangan yan. ‘E ‘di lalo akong nabaldado! Gusto ko pang mabuhay ng mas matagal. Gusto kong tumulong kina Arvin para walang masabe. Kelangang tulungan ang kapatid mo. Isa pa, makakatipid na ko para sa pagpapagawa ng bahay.”
“E ako?”
“Napaka-tuos mo! Humanap ka ng matitirhan mo!” sabi ni nanay. “Sa bahay ka kumakain, at natutulog. Ang swerte mo na ‘uy!”
I rested my case.
Tahimik akong nagmaneho papuntang Pasong Tamo. Si nanay, bulong ng bulong sa sarili. Hindi matawaran ang tuwa, hindi mabura ang ngiti.
Diyos ko, naku pu, salamat po. Pinaabot pa po N’yo ko sa edad na ‘to. Ang tagal ko rin namang nagsilbi sa Zamora. Ang sarap palang maka-tanggap ng pension…”
Pagdating namin ng Walter Mart, nag-park ako sa main entrance. “O, ‘nay, dito ka na lang bumili ng tsinelas mo. Mag-taxi ka na rin pauwi. Kering keri mo na yan.”
“May jeep naman. Ok lang.”
Pinagmasdan ko si nanay sa pagbaba n’ya at paglakad n’ya papasok sa glass door ng Walter Mart. Iika-ika, mabagal, kurkubado.
Nakatalikod man sa aki’y alam kong hindi pa rin nabubura ang ngiti sa mukha.

Read and post comments | Send to a friend

Tags : lifescoopmotherrandom
Orly S. Agawin

The author Orly S. Agawin

Orly has been writing for The Jellicle Blog since 2008. He is a training and development consultant by day and an art enthusiast by night. He lives in Parañaque with his mom.

4 Comments

  1. ayan nabasa ko na nga 🙂 Sana humaba pa buhay ni nanay mo at ng ma enjoy nya pa lalo pension nya at mga apo. Pagbigyan sa lahat ng requests. mwah!

Leave a Response


Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426

Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426