close
no thumb

 

 

Pumunta ko sa Payroll area kanina. May tanong ako, nuong Sabado pa. Hindi ako makakilos, hindi ako makagalaw. Kelangan ko munang makuha ang sagot ni Tony Boy Hunk bago ko magalaw ang sweldong pumasok sa Payroll account ko.

"Tony Boy Hunk, Tony Boy Hunk. May tanong ako," sinabi ko habang binubuksan ang pinto ng Payroll Team.

"Ay Orly pasok," sabi ni Tiny Girl.

"Hindi ikaw ang kelangan ko Tiny."

"Bumalik ka na sa station mo bago pa kita mabato ng puncher!" sigaw sa akin ni Tiny Girl.

"Mamaya na tayo mag-usap."

Lumingon ako kay Tony Boy Hunk. "Tony Boy Hunk, me tanong ako."

"Oo, alam ko, kanina mo pa sinabe," pabalang na sagot sa akin ni Tony Boy Hunk.

"Karmi!" sabi ni Tiny Girl sa monitor n'ya.

"Wag kang sumali sa usapan," bulong ko kay Tiny Girl. "Anyway," sabi ko kay Tony Boy, "nagtataka lang ako. Bakit parang napasobra ata ang ipina-sweldo mo sa akin ngayon. Hindi ko na-check ang payslip ko last Friday kase nakalimutan ko."

"O e di pwede mo nang i-check ngayon. Marunong ka naman diba?" sabat na naman ni Tiny.

"Tony Boy? Pwedeng mahiram ang puncher mo? May i-pa-punch lang ako sa fez!"

Imbes na iabot sa aking ang puncher n'ya, binuksan ni Tony Boy ang database ng PC n'ya. Pinasok ang pangalan ko at pinindot ang ENTER.

"Naku Tony Boy, wag mong tulungan yan!" sabi ulit ni Tiny Girl na hindi inaalis ang tingin sa monitor n'ya.

"Pagnakuha ko na ang sagot kay Tony Boy, humanda ka!"

Paglingon ko kay Tony Boy Hunk, masinsin ang pagbasa n'ya ng monitor n'ya. Kumuha ng calculator at nagpipindot. "Orly, tapos na ang loan mo. Nakabayad ka na."

"Ha?! Tapos na 'ko? Hindi na ko kakaltasan ulit?!"

"Bingi ka?" bulong ni Tiny Girl.

 

Oo, nagloan ako. 19 months ago, naisip kong bilhin ang kotse ng kapatid ko. Ginamit ko ang partnership ng CitiFinancial at ng opisina to avail a lower interest rate that Citi offered to our employees.

Hindi ako palautang. Actually, ayokong meron akong utang. Sa dami ng mga itinuro sa akin ng nanay ko, ang galit sa utang marahil ang pinaka-una sa listahan.

Kapag bumili ako ng sigarilyo sa malapit na tindahan at kung magkulang man ng piso o biente cinco sentimos ang bayad ko, hindi ako napapakali hangga't hindi ko naibabalik ang kulang. Kung wala naman akong pera, hindi ako umuutang para lang magkapera. 'Di bale nang walang anda, basta lang walang utang.

Ayoko rin ng may credit card. Para sa akin, susi lang yun sa walang humpay na paggastos.

Hindi naman sa nagmamalaki ako. Pero hangga't sa maari'y iniiwasan ko ang manghiram. Siguro ayokong gastusin ang perang hindi pa na-bibigay sa akin.

 

Pero nuong nabunggo ang kapatid ko at nasira ng todo ang kaha ng kotse n'ya, sinabi ko sa sarili na marahil ito na ang pagkakataon para magka-sasakyan ako. Nang sabihin n'ya sa amin na ayaw na niyang ipagawa ang sasakyan at hayaan na lang na itambak sa garahe, kinausap ko si nanay.

"Ako na lang magpapagawa," offer ko kay nanay isang umaga ng July 2008. "Bibilhin ko sa kanya pero 50 thousand lang."

"Wag ako kausapin mo. Hindi ako may ari ng kotse," sagot ng matanda.

Pero siya pa rin ang kumausap kay Arvin. Nasa telepono sila the following morning.

"Fifty thousand daw ang kaya ng kuya mo…" sabi ni nanay sa reciever.

Nagbuhol ako ng mga daliri. Sana mauto. Sana mapa-oo. Kung mautak ako, mas tuso kasi at wa-is si Arvin.

"…Wag naman ganun, kahit papano sa kapatid mo pa rin naman mapupunta, hindi sa ibang tao. Kahit anak mo magagamit pa rin yan," sagot ni nanay sa telepono.

Kinabahan ako.

Lumingon sa akin si nanay, "o, sixty daw. Wala ka daw makikitang Toyota Corona na fifty."

Hindi na ko nagdalawang isip, "Gow!"

Kaya nag-loan ako. 120 thousand. Bago pa man ako pumirma ng dokumento sa lobby namin a year and a half ago, marami akong tinanong: "18 months ba talaga pinaka-maikli n'yo? Di pwedeng isang taon lang? kalahating taon? 'Di ba talagang pwedeng madaliin? Ayoko ng me utang!"

Pero ganun daw talaga. 18 months ang pinakamaikling paying period. Salary deduction naman, pero para sa akin, utang pa rin. Hindi ko pa nasi-sweldo, nagastos ko na.

Pero may kotse naman ako the following week. Nakuha ko si Snooky for 60 thousand, plus another 60 thousand para mapa-ayos at mas mapaganda.

Itim ang ikinulay ko sa kanya. Toyota Corona na itim – Koronang Itim – Snooky Serna – Snooky.

Kapag nakikita ni Peter ng Timekeeping si Snooky, humahanga siya. "Walang sinabi ang mga ibang sasakyan d'yan sa parking kumpara sa kotse mo. Yan ang astig…makina palang."

Mahigit isang taon na kaming magkasama ni Snooky. Malayo na rin ang narating namin together. Pati langit naabot na namin.

Pero ngayon ko lang masasabing akin na talaga siya.

 

Ngayong tapos na ang pagbabayad ko ng loan ko, mas luluwag na ang pag-iipon ko. Kanina, pagkatapos kong manggaling sa office nina Tiny Girl at Tony Boy Hunk, bumalik ako sa station ko para ayusin ang budget plan ko. Mas malaki na ang nailipat ko sa bi-monthly savings ko. Kung magtutuloy tuloy ito hanggang April, makakapag-Palawan na kami ni 'be ng hindi nagagalaw ang iba ko pang savings account.

Haaaay, sa wakas.

Thank you Lord!

Read and post comments | Send to a friend

Tags : lifescooprandomsavingsworkplace
Orly S. Agawin

The author Orly S. Agawin

Orly has been writing for The Jellicle Blog since 2008. He is a training and development consultant by day and an art enthusiast by night. He lives in Parañaque with his mom.

Leave a Response


Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426

Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426