close
no thumb

Una ko siyang nakita nung dinala ako ni tatay sa EDSA Ortigas nuong 1986.

Maraming tao nun. Mga tambay, nag-oopisina, pari, madre pati sundalo nagsisiksikan sa nuo’y malapad na intersection sa Ortigas.

“Tingnan lang n’yang Makoy na yan!” sabi ni tatay sa akin. “Lahat gusto na siyang umalis.”

Grade 2 pa ‘ko nuon. Wala pa kong masyadong alam sa gobyerno at pulitika. Pero alam kong maraming galit kay Makoy. Salbahe daw siya sabi ng teacher ko sa Sibika at Kultura sa Don Bosco. Kurakot daw, sequester ng sequester ng mga gamit ng mayayaman. Siguro lahat ng tao na nasa EDSA nuong araw na un, sinequester-an n’ya.

Pati mga tambay?

Biglang nagsigawan ang mga tao. “Cory! Cory! Cory! Cory! Cory!” Malakas. Sabay sabay. Kinarga ako ni tatay, isinampa ako sa batok n’ya, dalawang hita ko ang nakasampay sa magkabilang balikat n’ya.

“Para mas mabilis tayong makalapit.”

Isang babaeng kulot, maliit, pero maputi ang nakatayo sa isang maliit na Ford Fierra. Naka-dilaw at intinataas ang dalawang kamay. Nakasenyas ng L sa mga nasigaw.

“Yan si Tita Cory. Asawa ni Ninoy. Siya ang lalaban kay Makoy,” sigaw sa akin ni tatay.

Pa’no naman n’ya malalabanan si Makoy? E ang liit n’ya. Babae pa siya. Kung sabagay, maliit din naman si Makoy. Pero ang alam ko, pumapatay daw un.

“Tataob na sila, wala na siyang kalaban laban,” wika ni tatay sa sarili.

Nakisali sa sigawan si tatay. Sumabay na rin ako. Kung saan kampi si tatay, dun na rin ako.

Ilang araw lang, nabalitaan ko sa TV na tumakas na raw si Makoy. Si Tita Cory ang nanalo.

Hanggang pagkamatay ni tatay, maka- Tita Cory siya. Siya daw ang nagbalik ng kalayaan sa Pinas. Ibinalik daw n’ya ang katahimikan at itinaas ang karapatan ng tao.

Huli kong nakita si Tita Cory EDSA Dos. Nakatayo ako nun sa flyover ng Ortigas, kasama mga kaklase ko sa UP.

“Cory! Cory! Cory! Cory! Cory!” sigay ng tao.

“Si Cory! Andito rin?!” tanong ng kasama ko.

“E siya nagpasimula nito diba? Many years ago pa?” sagot ko.

“Taray!”

Hinimok n’ya kaming ipagpatuloy ang laban. Hindi na siya presidente nun. Pero nakisama s’ya sa pagpapatalsik ng isa pang presidenteng gumigiba ng sinumulan n’ya.

“Fighting for democracy has always been my personal crusade after Ninoy died. The corruption that is being set upon us today is another form of parasite that deceives us,” sabi ni Tita Cory sa microphone.

“Naalala ko tatay ko.”

“Nasan na siya?”

“Sa bahay, bed-ridden. Makikibalita na lang daw siya sa ‘kin.”

“I urge you,” tuloy ni Tita Cory. “To continually use the freedom that has been bestowed upon us to fight this corrupt leader of the land!”

Sumigaw ang tao. Malakas na malakas. “Cory! Cory! Cory! Cory! Erap resign! Erap resign! Erap resign!…”

Pagkabalik ko ng bahay, naupo ako sa kama ni tatay. Hindi na siya masyadong nagsasalita, tumitingin na lang.

“Tay, nakita ko si Tita Cory. Tuloy daw ang laban. Wag daw sayangin ang sinimulan n’yo.”

Unti unti namuo ang mga luha sa mata ni tatay. Itinaas ang buhay na kamay at ipinatong sa balikat ko. Biglang umungol.

“Hayaan mo ‘tay. Babalitaan kita.”

Wala na ngayon si tatay. Wala na rin si Tita Cory. Pero hanggang ngayon tuloy pa rin ang pakikipaglaban nila at nang iba pang nakita ko sa EDSA nuong 1986 para sa kalayaan ng bansa. Sabi ng iba, hindi naman daw talaga lumaya ang Pilipinas. Ilusyon lang daw ang demokrasyang isinulong nuon. Sabi nila, nakakulong pa rin tayo, alipin pa rin daw tayo ng ‘Kano at ng mayayaman.

But I think otherwise. Ngayon nakakapagsulat ako. Ngayon nakakapagtanong ako ng walang inaalalang pagsupil sa boses ko. Ngayon, nakakalakad ako sa kalsada na nakataas ang noo.

Bukas, birthday ni Tita Cory. 77 na dapat siya. Naalala ko siya at kung anung ginawa n’ya para sa Pinas.

Naalala ko rin si tatay.

Tags : corylifescooppoliticsrandomtagalo blogs
Orly S. Agawin

The author Orly S. Agawin

Orly has been writing for The Jellicle Blog since 2008. He is a training and development consultant by day and an art enthusiast by night. He lives in Parañaque with his mom.

Leave a Response


Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426

Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426