close
no thumb

Kumitid ang National Road papuntang Los Banos Crossing mula pa lang sa tulay ng San Antonio. Traffic na ngayong bisperas ng Bagong Taon. Mas maraming lumalabas at namimili kumpara sa nagdaang linggo na Noche Buena lang ang ikinarga. Samantalang mamayang Media Noche, kadalasa'y pinapa-abot pa hanggang kinabukasan ang mga handa sa mga barrio't kalapit na mga purok ng L.B. Mahalaga daw na mahainan ng tamang inam ang hapag ng mga bilog na prutas, ulam, at kakanin bago sumapit ang alas dose ng hatinggabi.

Mainit ang kalsada na papuntang palengke.Dumaan na lang kami ni nanay sa loob ng eskinitang paahon sa Bayog para maka-iwas sa mga sanga-sangang trapik ng jeep, bus at tricycle. Maswerte ang mga naka-motor sa mga ganitong araw. Sila lang ang hindi naiipit sa gumagapang na Senakulo ng Disymebre.

Nagkalat sa bangketa ang mga tinda. Laruan, prutas, gulay, isda, de lata, papuputok at torotot. Sa mahinay na takbo ng sasakyan, isa isang natingnan ni nanay ang mga tinda sa tabing kalsada.

"Bagsakan na ng presyo yan mamayang alas cinco," bulong ni nanay.

"Mukhang mas ma-trapik pa dito e," sagot ko.

"Dito lang yan. Pagkalampas ng riles, tuloy tuloy na yan."

Sa 'di kalayua'y nakita ko na ang riles ng Junction. Isang mahabang station shed ang kumakaway sa amin; pawang nagsasabing konting tiis na lang.

Nagbukas ako ng bintana. "Yosi muna ko 'nay."

"Kanina ka pa sigarilyo ng sigarilyo. Nag-aamoy sigarilyo tuloy 'tong kotse mo!" banat ng matanda.

"Baba ka muna?" biro ko.

"Pag ikaw nagkasakit…"

Nakapagsindi na ko ng Marlboro. Nilakasan ng konti ang stereo para marinig si Madonna at hindi ang lola Madonnang katabi ko. Pagkabukas ko ng bintana, sumabay sa paglabas ng usok ang pagpasok ng iba't ibang amoy. Amoy ng matamis na prutas, bagong plastic, binalot na pulbura.

"Eto talaga ang holidays!" sabi ko kay nanay.

"Patay naman na talaga ang Pasko. Mas gusto na lang ng tao ngayong isang beses na lang maghanda ng todo."

Sa ikalawang buga, nakita ko ang isang pwesto ng torotot. Makukulay na bilugang tatsulok ang nagsisilabasan sa isang malaking kahon na nakapatong sa dalawang pinagharap na monobloc chairs. Nakabantay ang isang matandang lalaki at isang batang babaeng halos nasa edad na anim hanggang walo. Sa gitna ng 'di mahulugang karayom na selebrasyon ng tradisyon at komersyalismo, tanging ang pwesto lamang nila ang nialalangaw.

"Hindi na ata mabenta torotot ngayon."

"Iba na laruan ng mga bata e," sagot ko kay nanay na hindi naalis ang tingin sa dalawang nakabantay sa sampung tore ng torotot na animo'y pinaliligiran ng tarangkahang yari sa kahon. "Mga iPod na at PlayStation na trip ng mga bagets."

"Tanda 'ko pa, a-beinte pa lang bumi-byahe tayo nun sa Divisoria  para hindi mahuli sa torotot," sabi ni nanay habang nakatangin din sa dalawa.

Pitong Pasko't Bagong Taon ding naranasan namin ni Arvin na magtinda't maglako ng torotot sa lumang palenke ng Johnson. Mga pito at walong taon pa lang kami, ipinaranas na sa amin ni nanay at tatay ang buhay ng mga araw-araw na nakikipagsugal gamit ang baraha ng komersyalismo. Dalawang araw palang bago mag-bisperas, Pasko man o Bagong Taon, araw araw naming nilalatag sa sakong ibinuka ang mga torotot na nakuha namin ng wholesale sa Divisoria.

May mga yari sa pinatigas na papel at binilog na cellophane, at meron ding sa binilog na mga pelikulang luma na iginaya sa korte ng sungay ng toro. Sampung piso ang may cellophane, fifteen naman ang sungay na torotot. Tatlong piso ang tubo sa bawat isang disposable na laruan.

Kadalasan, mga bata at magulang ang bumibili sa amin ni Arvin. Mabili nuon ang torotot dahil takot ang mga taong magpaputok ang mga bata. Pinagpipilian lagi ang mga inilalatag namin. Ihip dito, ihip doon. May mga torotot na pulpol, may mga kalpot, may mga bisaklat ang tono. Kapag palpak, itinatabi namin sa katabing kahon para maayos mamayang maka-tanghali. Meron din naman malakas tunog. Kapag ganito, ipinapasok na agad namin sa plastic bag ng bumibili.

Natutuos na lang namin ni Arvin ang kita tuwing gabi, matapos ang isang mahabang araw ng kalbaryo sa gitna ng Disyembre. Kadalasan, sa Bisperas ng alas dies namin nakikita ang tubo ng aming mga panindang panlibang.

Kumikita kami. Malaki nga ang tubo sa torotot lalo na't nuong nagsisimula pa lang kaming sumubok magtinda. Sa puhunang 2,600, minsa'y tumutubo kami ng higit sa isang libo.

Bago sumapit ang alas dose ng gabi, sa mismong bisperas ng Bagong Taon, isinasauli namin kay nanay ang puhunan. Hindi nagtatanong kung tumubo kami o hindi. Ang mahalaga lang daw, bumalik ang puhunan n'ya.

"Masyadong child labor naman pinagagawa mo sa amin nun. Dapat pala nireklamo ka namin sa DSWD."

"Aba san pa kayo?" sabay lingon si nanay sa akin. "Pagdating naman ng pasukan, ang dami n'yong pera. Sabihin n'yo nga? Kelan ako nanghinggi ng pera sa inyo?"

"May pera nga pagdating ng pasukan. Kulang naman baon na binibigay mo," banat ko.

"Napaka-walang hiya mo talaga!" sabi ni nanay na nakakunot ang noo't nakatawa. "Kelan man e hindi ko kayo ginulangan! Ikaw ang hari ng gulang!"

"Correction. Reyna."

Lumingon uli ako sa dalawang bantay. May isang bata na isa isang tine-test ang mga tortot. Parang napili ng laruang mapaglilibangan mamayang gabi. Tumayo ang matanda. Kumuha ng plastic ang kasamang bata. Ihip dito, ihip doon. Ngayon ko lang napagtanto na ang swerte namin ng kapatid ko't hindi kami nagka-hepatitis o T.B. nung nagtitinda kami. Bakit at kung sino sino ang halos na-lips-to-lips namin sa pagpuputa ng torotot? Narinig kong muli ang musika ng aking kabataan. Humalo ito sa hangin at sinapawan si Madonna.

Ipinasok ng bumibiling bata ang dalawang torotot sa nakahandang plastic bag ng batang babae. Pinagmasdan kong mabuti ang dalawang bantay. Parehong nakatingin sa kitang dahan-dahang iniabot ng batang nabili. Kita. Tubo man o puhunan pa lang, alam kong dagdag na ito sa laman ng silintar na nakasabit sa bewang ng matandang lalaki.

Gumapang na ulit ang mga sasakyan patungo sa riles ng Johnson. Ilang hakbang na lang at matatawid na namin ang binubungang riles patungong Bayog. Less ang traffic dito, Sabi ko sa sarili ko.

Pagkalampas namin ni nanay sa riles, hindi ko na matanaw sa side mirror ko ang sampung tore ng torotot at ang mga bantay nito. Hindi man matrapik ang daan, natrapik naman ang isip ko. Tumigil sa nakaraan at huminto panandali. Bigla kong nalasahan, hindi ang yosi ko, kundi ang lasa ng cellpane at papel na nakabalot sa ihipang bahagi ng binebentang toroto. Nakatakas man ako sa sikip ng iniwang kalsada, sumikip naman ang lalamunan ko sa pag-alala ng mga turong iniwan sa amin ng tatay ko at patuloy na itunutro ni nanay.

"Ambilis mo namang magpatakbo! Baryo 'to. Bigla biglang me mga natawid!" reklamo ni nanay.

"Wala naman ah?" sabi ko.

"Ang yabang mo na ngayon!"

HIndi naman siguro. Lalo na ngayo't naalala ko uli.

Read and post comments | Send to a friend

Tags : bagong taonbisperaschristmaslifescooppaskorandom
Orly S. Agawin

The author Orly S. Agawin

Orly has been writing for The Jellicle Blog since 2008. He is a training and development consultant by day and an art enthusiast by night. He lives in Parañaque with his mom.

2 Comments

  1. What can I say? This entry moved me. While reading the story, I was in awe that you had to gone through those experiences.
    And after reading it, it brought me memories that made me want to grab the nearest pack of cigarettes. I was focused on the image built by the representation of the (I’m assuming) Dad and child.
    It reminded me of my mom’s nook. (kili-kili ba!) my brothers would always tease me when I climb to my mom’s nook and stay there before going to sleep. It gave me my security. And amidst everything that is happening around us now, that is what I need. That space where I can stay for as long as I want. Safe.
    Your entry will open phases in a reader’s mind. It will encourage us to look for our own memories. Our own realizations.
    It will humble most of us. It will also make us realize that we can use those experiences as we sail on to the unknown and appreciate every moment we spend treading through it…
    KUDOS! Keep on writing!!!

  2. Thanks dear. Aside from anticipating and hoping for a bright future, New Years can also be a time to reflect and remember the past. By doing so, we learn more about ourselves and the experiences that made and unmade us. Thus, making ourselves more prepared for the future. Happy New Year!

Leave a Response


Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426

Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426