close
no thumb

Tinawagan ni Tito Rey si nanay nung isang linggo. Umiiyak daw, nasasabik sa mga anak; ang gusto na lang daw kami ni Arvin ang makita. Tama na raw na kami na lang, parang mga anak na rin n'ya nakasama n'ya. 

Best friend ni tatay si Tito Rey, since high school. Bata pa lang kami ni Arvin, kalaro na namin mga anak nila. Inaagawan ko pa ng laruan. Nagsipag-asawa na ang mga anak ni Tito Rey. Ung isa nasa Australia, ung isa dito pa rin sa Pinas, pero nakabukod.
Iniimbita raw kami sa Christmas Party ng Batch '56. Mga kaklase ni tatay, pero since wala na si tatay kahit kami na lang. Huli kong nakita ang Batch nung inilibing si Tito Rolly. October pa last year. More than 50 years na ang alumni Nakita ko kung papano tumanda ang karamihan sa kanila. Humina ang mga tuhod, nagsiyukuan ang mga likod. 
Ung iba, pilit na tinitina ang buhok. Pero hindi natina ang kulubot. 
Nung buhay pa ang tatay ko, at malakas pa ang nanay ko. Halos every weekend, gumigimik sila sa Alegria. Libreng nakakapasok at nakakainom ang tatay ko kapag kasama nila sina Tito Rey. Hindi nainom si Tito Rey, hindi rin nasayaw. Makita lang n'ya raw si tatay kapag gabi ng gimik masaya na s'ya.
Tatay ko ang numero unong D.I. ng Batch 56 kapag may mga events sila. Sa sobrang galing ng tatay ko sa Ballroom Dancing, pati ako naturuan. Kaya naman nung J.S. namin nung High School, ako ang hindi pinagpahinga nina Mrs. Ramos at Ms. Viray. 
"O sige, sasamahan kita. Saan daw ba?" tanong ko.
"Sa Capitol Hills daw. Nagpadala ng mapa." Kinabahan ako. Napakamot ng ulo si nanay. Alam n'yang busy ako lagi at weekends lang talaga pahinga ko. 
"Naiyak nung tumawag dito eh, gusto raw kayong makita," daing ni nanay. 
"Sabi mo nga. O sige, bahala na. Tingnan ko schedule ko."
Sinamahan ko na rin. Naka-diet ako ngayon pero sige, pwedeng namang walang kanin eh.
Sa Ayala Hillside ang venue. Isang executive subdivision malapit sa dulo ng Katipunan road. Medyo matrapik dahil naghuhukay ang Maynilad at may pagkaliblib ang daan pag gabi. Pero natunton din namin. 
Pagpasok ko sa napaka bonggang function hall ng Country Club, napapansin ko ang simulang pagunti nila. Kulubot man o tinado, unti unting nang nauubos ang Batch '56. Isa isa nang nag-che-check in sa kung saan saang ospital. Kung saang saang sementeryo o urns. 
Kung dati'y malalaking function halls ng mga hotels ang mga conventions nila, ngayon ay sa isang maliit na space sa isang country club sila nagkakasya.
Mahilig ang karamihang uminom. Kahit nasa edad na 70 to 73 na sila ngayon, parang Coke lang ang Matador sa iba. Ung iba naman, sayaw. 
Nakita ko agad si Tito Rey. Nakabati agad, pati si Tita Ligaya. Pagkatapos ng walang hanggang beso at yakap, nakahanap na rin kami ni nanay ng upuan. Siempre, picture-an muna.

Kanya-kanyang kwentuhan bawat mesa, bulungan ang drama. Parang nagtsitsismisan lang. 
Nakita ko ang mga pamilyar na mukha ng kabataan ko. Mga mukha lang, dahil hindi ko mga kinilala sa pangalan. Nakakagulat pero parang nagpapahiwatig ang panahon na hindi siya pwedeng kalabanin. Mga dating kaklase ng tatay, mga dating kasayaw ng cha cha at tango – pare-parehong nagsisitanda at niluluma na ng panahon. 
Nang magtawag na para kumain, nawala ang mga tsismisan, biglang lumakas ang mga boses at nagtayuang sabay sabay. Isang kurap ko lang yata, biglang haba ng pila hanggang Tondo. 
Walang usapan sa pila, seryoso lahat. Parang lamay. 
"Pumila ka na," bulong sa akin ni Tita Ligaya. "Mauubusan ka."
"O.K. lang po. Nakadiet naman ako. It will work better for me kung tira-tira na lang maiwan sa akin."
"Laki ng tinaba mo! Bumalik ka na naman sa dati," nakakunot na sinabi ni Tita. "Pumayat ka na nuon ah?"
Napalunok na lang ako, while reaching for my cigarette pack and cellphone. Kelangang mabago ang usapan o baka tuluyang makabastos ako ng matanda. 
"Hindi bagay sa'yo mataba! Para kang madungis tingnan!" Lumiligid na ang mga mata ko, naghahanap ng bread knife sa mesa. "Minsan pupunta kami ng Tito mo Rey sa inyo. Madalas malungkot. Madalas…iyak ng iyak."
Hay salamat! "Ay opo! Para makita n'yo rin mga anak ni Arvin."
May bago nang trip ng Batch '56. Kung dati'y puros sayaw, ngayon Videoke na. Para bang tinitipid ang lakas para sa sayawan maya maya. 
Pagkatapos kumain, bolrun na. Di tulad ng dating 'dance all night long' ang Batch '56, ngayon, frequent breaks na ang mga lolo't lola. Kada three minutes, nauupo at nababakante ang dance floor. 
Dun ko simulang nakita ang mga personalidad na naalala ko mula't pagkabata. Kung myth lang sa iba ang groovy na matatanda, isa itong katotohanan nung gabing iyon.
Tawagin natin siyang Tita 1. Tinuro ko siya kay nanay at tinanong kung hindi ba siya nilalamig. Disyembre ngayon, may climate change pa.
Ito naman si Tita Dakdak. Nung buhay at malakas pa si tatay, lagi silang nag-aaway. Biruan lang naman.Kapag parating na siya nung araw, sumisigaw si tatay, si Dakdak, andyan na si Dakdak! Ayusin n'yo na usapan ng matapos na tayo!  Bata pa kami kaya sa tuwing gumagawa ng eksena si Tita at umaarteng umaangil sa tatay, nagtatawa lang kami ni Arvin. Tahimik siya nung gabi, nakaupo lang pero walang puknat sa pasayaw lalo na't cha cha ang tugtog. Laging dala dala ang bag kahit nasa dancefloor. 
Sa gitna ng sayawan, biglang tinugtog ang Nobody Nobody ng The Wondergirls. In fairness, maraming tumayo. Nagpaturo pa sa D.I. kung p'ano ang tamang steps. 
Ito naman si Tito 1. Kilala ko rin lang siya sa mukha. Pano ko ba naman siya makakalimutan e siya ang kumausap at nagpapabangon sa tatay ko nung nasa kabaong na ito. Tumayo ka na Bayani! sabay kembot at yugyog sa gitna chapel. Magsasayaw pa tayo! 
Makulit pa rin siya nung gabi. Kumanta, nag-ikot sa mga mesa, nagpakalasing, inasar si Tita Dakdak at siempre, sumayaw. 
Yumugyog ang Batch '56 na parang wala ng bukas. Minsan nga lang isang taon kung magkita sila; lubos lubusin na 'ika nga. 
Nang papauwi na kami, humalik sa akin si Tita Ligaya at yumakap si Tito Rey habang nakatayo sa parking. 
Bumulong sa akin si Tito Rey, "napanaginipan ko tatay mo. Nakita ko raw sa Divisoria, tiningnan lang ako at biglang umalis."
"Talaga ho?" tanong ko habang naglalakad na papuntang parking.
"Inisip kong baka sinusundo na ko," sabi ni Tito Rey sabay kamot sa tiyan. 
"Aba'y wag kayong sasama! Mag-iisa si Tita Ligaya."
"Nalungkot lang ako kasi sa tagal na…ngayon e parang bigla kaming nagkita. Parang totoong totoo!"
"May explanation po ang science dyan," sabi ko sabay taas ang kilay. 
"Kaibigan ko ang tatay mo. Hindi ma-e-explain ng science yan. Isa pa, mahina sa Science and Technology si Bayani kaya ako at si Rolly ang nagawa ng assignments n'ya nuon. Hindi siya gagamit ng subject namin para lang maalala ko siya," malungkot na sinabi ni Tito Rey.
Hindi ako nakasagot.
"Intindihin mo na ang matatanda Orly. Hindi ko alam kung bakit ako malungkutin ngayon. Kapag nakakakita ako ng pamilyang buo, umiiyak ako. Pag nakikita ko kayo ng nanay mo naiiyak ako. Iniwan na ko ng dalawang pinakamatalik kong kaibigan. Nandito nga ang Tita 'Gay mo, pero may mga bagay na mga kaibigan lang ang nakakapagbigay."
Bigla akong nagbilang ng mga kaibigan ko.
"O s'ya. Lumakad na kayo. Marami ka pang ihahatid na matatanda." Anim ang sumabay sa akin. Iniisip ko pa lang kung paano ko pagkakasyahin sa trunk ung iba.
"Sige Tito Rey, lakad na kami," sabay lingon sa kotse ko. Limang puting ulo ang nakita kong nagbabalyahan at naguunahan sa pagpasok sa sasakyan ko. "Madami pa kong ibaba sa EDSA."
"Ingatan mo mga lola mo! Strict ang parents n'yang mga yan," sabi ng kaibigan ng tatay ko. Nanliligid ang luha habang nakangiti at nagkakamot ng tiyan. 
Gusto ko na ring umuwi. Antok na ko, low batt ang telepono at mainit na naman panigurado ang ulo ni 'be. "Hayaan n'yo, ibaba ko 'to lahat sa EDSA. Sisipain ko palabas habang tumatakbo!"

Read and post comments | Send to a friend

Tags : lifescooprandom
Orly S. Agawin

The author Orly S. Agawin

Orly has been writing for The Jellicle Blog since 2008. He is a training and development consultant by day and an art enthusiast by night. He lives in Parañaque with his mom.

Leave a Response


Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426

Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426