close
no thumb

Isang taon na naman ang natapos. 32 na ko at Pasko na ulit. May mga bagay na nabago, meron ding mga hindi.

Ngayong Pasko, hindi ko alam kung ano ang difference. Hindi ko nga alam na a-diyes na at dalwang linggo na lang, Christmas na. Sa dami ng pagkakataong nguma-nga dito sa opisina, sa dami ng tsismisan namin ni mother Domeng, sa dami ng e-mails, sa dami ng traffic, sa dami ng meetings, contracts, training, trainers, kaso, incident reports, hearings, baboy, manok, kambing, usa, repolyo, ampalaya, talbos ng kamote, saging, puso ng saging, sintunes, at paminta, nawala sa isip kong magPapasko na pala.

Ano bang meron ngayon Pasko na ito na wala nung isang taon?

Kung 13th month, e meron ako ulit. Mas malaki, hindi lang nakakalula, pwede ka pang mahulog at mamatay pag nagtanggka kang tumalon. Kung nung isang taon e pinroblema ko kung papano uubusin ng bonggang bongga ang taunanang regalo ng kumpanya sa akin, ngayon, halos magsumikip ako ng sinturon para hindi ito magalaw. Natutuwa akong nakikita ang inipon ko. Hindi ko man nabibili ang gusto ko lately, kampante naman ang loob kong may madudukot ako pag nagka-gipitan na. Magbibigay pa rin ako sa simbahan, sa nanay ko, sa sarili ko. Pero in moderation lang.

Tama si nanay: "masarap magtiis kung me ipon, kesa magtiis dahil walang madukot."

Mamimili pa rin kami ni 'be ng mga pamasko. Balak kong bigyan si Daniel. Sa dami ng nakuha kong pelikula at mini-series sa kanya ngayong taon, halos sampung libong piso ang natipid ko sa pagbili ng mga DVDs at DeVeDe's. Hindi man nadadagdagan ang library ko ng pelikula at mini-series, nadagdagan naman ng sobra sobra ang collection ko sa 1 Terabyte Storage Device ko. Dahil kay Daniel napanuod namin ni 'be ang Legally Blonde the Musical, Into the Woods, Glee

(ung walang puknat na marathon), Accidentally on Purpose, Paranormal Activity, among many others. Marami pa akong hindi napapanuod, matagal tagal pa muna bago ako bumalik ng MCS o Astrovision para mamili. Kelangang makaganti man lang kahit konti kay Danes.

"Napakadamot mo! Puros sarili lang iniisip mo. Mga pamangkin mo yun!" bulas ni nanay nung sinabi kong hindi ako mamamasko ngayong taon.

"Titipirin ko naman sana kita ko." Matagal na rin akong nagpatumpik tumpik sa pag-iipon. Kung inayos ko lang nuong simula pa, e di sana'y mas malaki na rin kahit papano ipon ko.

"Pasko naman! Minsan mo lang maabutan mga pamangkin mo. Wag kang madamot! Tatanda kang mag-isa!"

"Hindi naman ako madamot. Nag-iisip lang." Tama naman si nanay. Simula ng pinanganak si Varga, ni minsan ay hindi ko pa siya nabibili ng laruan.

Mas paborito ko si Matthew. Maliit na Arvin. Unang pamangkin pa. Nakita kong lumaki, napalapit sa akin, nakikinig sa akin. Kaya naman nung kapag-panganak pa lang, inulan ko na ng laruan, libro at isang set ng educational toys kahit hindi pa nya mababasa at magagamit.

Pero tama si nanay, dalawa na ang pamangkin ko.

Hindi man makakibo si Varga ngayon, tiyak na makakarinig ako sa bunso kong pamangkin balang araw, kung itutuloy ko favoritism ko.

...

Ibibili ko na rin sila ng kahit something ngayong Pasko. Si Matt, siguro magandang libro. Nahihilig magbasa ang gago. Dalawang taon pa lang, mga koleksyon ko na ang interes. Si Varga, siguro tulad ng mga binigay ko kay Matt nuon. Mga laruang nahahawakan, ung with bright colors, para ma-trigger ang mga brain cells. Laging nakasimangot eh.

Ibili ko kaya ng damit si nanay. Ung bongga naman,  ung pang-espesyal. Sa tuwing may okasyon na pupuntahan si nanay, lagi na lang ung itim na bulaklakin ang sinusuot nya. Anim na taon nang patay si tatay, nakapang-luksa pa rin siya hanggang ngayon. Medyo kurkubada na si nanay, mas kumukuba pa dahil sa fit ng damit. Kapag may mga party na kelangan nyang magdamit, yun at yun na lang ang laging get-up nya. Ibibili ko siya ngayong Pasko ng isa pang pang-pormal. Hindi ko alam kung papano ako makakapili. Hindi ko alam kung anung bagay at kung anung tamang sukat n'ya. Pero I can find a way to get one for nanay. Papatulong ako kay 'be.

Si mama, nagsabing me gusto raw s'ya ngayong Pasko. Christmas decor daw. Papatulong na rin ako kay 'be.

Kay 'be. Un ang hindi ko alam. Hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung anung magandang iregalo kay 'be tuwing Pasko. Pag binigyan mo ng libro; anim na buwan na, hindi pa rin tapos basahin. Pag binigyan mo ng DVD; hindi man lang makapag-kwento kung anung feedback n'ya. Pag binili ko naman ng damit; hindi ko alam kung anung kakasya at kung anung gusto n'yang design. Makakahanap din siguro ako.

Papatulong rin ako sa kanya!

Sabi nga ni Daniel, sa Pasko mo lang malalaman kung lumalaki ka na. Kapag hindi na mga laruan kundi damit at libro na ang natatanggap mo, malalaman mo nang hindi ka na bata. Kapag mas marami na ang bati ng Merry Christmas kesa sa mga natatanggap mong regalo, tumatanda ka na. Kapag tumigil na ang mga bati at regalo, malamang, Saksi ni Jehova o Sabadista ka na.

32nd Christmas ko na. Anung mga natutunan ko? Anung meron ngayon na wala nung isang taon?

Siguro'y isip. Tamang isip. Jologs pa rin naman ako, baduy, galit sa sosyal at pa-sosyal. Pero ngayon, may konting nadagdag sa isip ko tungkol sa tunay na pag-iisip sa iba. Ngayon, nakilala ko ang mga taong dapat kong totoong pasalamatan.

Kung bakit ngayon ko lang ito nalaman, hindi na mahalaga un.

At least, now that it's my 32nd Christmas, I'm starting to act and think the way a 32-year-old is expected to act and think.

Marami mang gawa ngayon, hindi pa rin maikakailang paparating na naman ang Pasko. Ito na ang pagkakataong patunayan ko sa sarili ko na kaya kong magbago, na hindi pa hihintayin ang Bagong Taon.

Maliit man, kahit papano'y may pagkakaaiba.

Read and post comments | Send to a friend

Tags : christmasconfessionslifescooprandomtagalo blogs
Orly S. Agawin

The author Orly S. Agawin

Orly has been writing for The Jellicle Blog since 2008. He is a training and development consultant by day and an art enthusiast by night. He lives in Parañaque with his mom.

Leave a Response


Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426

Warning: Cannot assign an empty string to a string offset in /home/jellicle/public_html/wp-includes/class.wp-scripts.php on line 426